NAGBABALA ang World Employment and Social Outlook Trends 2015 Report of the International Labor Organization (ILO) na lolobo ang bilang ng mga walang trabaho mula sa kasalukuyang 202 milyon sa 212 milyon pagsapit ng 2019. Dahilan nito ang mabagal na antas ng paglago ng pandaigdigang ekonomiya, ayon sa ILO.
Habang natatanaw ng ILO ang pagbuti nito sa Amerika, Japan, at Britain, nakikita naman nito ang paglala ng employment situation sa Europe kung saan pinaiiral ang paghihigpit, at sa mga bansa sa Latin America, Africa, at sa Middle East na naapektuhan ng pagbaba ng presyo ng langis.
Nagsimulang sumirit ang pandaigdigang unemployment rate noong 2009, ayon sa ILO, at kaakibat nito ang ligalig ng lipunan. “There is massive human waste, suffering, and misery stemming out of employment,” sinabi ni ILO Director-General Guy Ryder, habang hinihimok niya ang mga gobyerno na resolbahin ang kani-kanilang suliranin sa kawalan ng trabaho.
Sa isang daigdig kung saan konektado ang mga pambansang ekonomiya sa isa’t isa, ang Pilipinas ay nakatakdang maapektuhan sa nangyayari sa buong mundo. Mabutin na lamang at karamihan sa ating mga export ay nagpupunta sa East Asia (Japan. China, Taiwan, Hong Kong, atbp.) at sa Amerika, ngunit ang ang mga bansang Arab sa Middle East ay pangunahing tagapagkaloob ng trabaho sa mga manggagawang Pilipino.
Mainam para sa ating sariling gobyerno na pakinggan ang panawagan ng ILO hinggil sa pagresolba ng mga gobyerno sa sarili nilang suliratin sa kawalan ng trabaho. Itinakda ng National Statistics Office ang ating labor force sa 64 porsiyento ng 62 milyon katao, 15 anyos pataas. Tinataya nito ang unemployment rate sa 6.8 porsiyento at underemployment sa 18.4 porsiyento.
Kahirapan ang direktang iniuugnay sa kawalan ng trabaho. Sa limang araw na pastoral visit sa Pilipinas, paulit-ulit na nanawagan si Pope Francis sa sambayanan – hindi lamang sa gobyerno – na alalahanin ang maralita at kumilos para sa kanila. Taliwas sa iniisip ng ilang opisyal, nasa isip ng Papa ang Pilipinas nang manawagan siya ng mas maraming ayuda at malasakit para sa mga dukha at ihinto ang katiwalian na nagpapalaganap ng kahirapan.
Tinukoy ng gobyerno ng Pilipinas ang ginastos nito para sa serbisyong panlipunan – 36.6 porsiyento ng P2.6 trilyong national budget para ngayong taon – sa pagsisikap nitong bawasan ang kahirapan sa bansa. Makukuha ng Department of Social Welfare and Development ang malaking bahagi ng budget – P109 bilyon. At P62 bilyon ang mapupunta sa Conditional Cash Transfer (CCT) program nito na ipamamahagi ang karampatang halaga buwan-buwan sa mahihirap na pamilya sa buong bansa.
Kung tututukan lamang ng gobyerno nang may mas malaking atensiyon ang problema ng kawalan ng trabaho – tulad ng panawagan ng ILO na gawin ng mga gobyerno sa daigdig – magiging isang dakila at mas permanenteng solusyon ito sa problema ng kahirapan sa ating bansa.