Nina BETH CAMIA at MARY ANN SANTIAGO
Tuloy ang pagiging alkalde ng Lungsod ng Maynila ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, matapos ibasura ng Korte Suprema ang disqualificaton case laban sa kanya kahapon.
Sa botong 11-3, binigo ng Supreme Court (SC) ang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagtakbo ni Estrada sa presidential race noong 2010 kahit ito ay sinintensiyahan na sa kasong plunder noong 2007.
Ang 10 mahistrado na pumabor kay Estrada ay sina Prebesito J. Velasco Jr., Arturo D. Brion, Diosdade M. Peralta, Lucas P. Bersamin, Mariano C. del Castillo, Martin S. Villarama Jr., Jose Portugal Perez, Jose Catral Mendoza, Bienvenido L. Reyes, at Estella M. Perlas Bernabe.
Kabilang sa tatlong kumontra sa petisyon sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Justice Marvic Leonen at Senior Justice Antonio Carpio habang naginhibit sa kaso si Associate Justice Francis Jardeleza.
Matatandaan, dalawang petisyon ay magkahiwalay na inihain nina Atty. Alicia Risos-Vidal at dating Mayor Alfredo Lim laban kay Estrada.
Iginiit nina Vidal at Lim na mula nang mapatunayang guilty sa kasong plunder at mahatulan ng life term imprisonment, dapat ay awtomatikong diskuwalipikado na si Estrada na tumakbo sa anumang elected position.
Ikinatwiran ng mga naghain ng petisyon na ang executive pardon na ibinigay ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi susi upang mabura ang diskwalipikasyong ito.
Noong May 2013 mayoralty election sa Maynila, tinalo ni Erap si Lim ng mahigit sa 343,000 boto.
Samantala, nagbunyi si Estrada, gayundin ang kanyang mga kaanak, kaalyado at tagasuporta, sa desisyon ng Korte Suprema.
Laking pasalamat ni Estrada sa Korte Suprema matapos paboran ang pagbasura ng disqualification case.
Tuwang-tuwa rin ang mga kaanak ng alkalde partikular na ang kanyang may bahay na si Dra. Loi Estrada at ang kanyang mga anak.
“THE SC HAS SPOKEN - ERAP STAYS!” tweet pa ng alkalde, gamit ang kanyang official Twitter account na @ PresidentErap.