“PAGKA-KOMUNYON ko, kailangan ko nang umalis,” bulong ng isang parokyano sa kanyang kasamang nagsisimba. Aniya pa, “May lakad ang anak ko at nagpapasama sa akin.” At hindi na hinintay ang pagbabasbas ng pari pagkatapos ng misa.

“Nag-abuloy ako para sa namatayan nating kaopisina, hindi ka ba magbibigay?” tanong ng isang empleada sa kanyang kasama. Sumagot ang kausap ng, “Ano ito, pilitan? Ayoko nga.”

“Hiniwalayan ko na ang misis ko, bungangera kasi,” sabi ng isang mister sa kanyang kaibigan na nakisimpatiya. “Saan ka ngayon umuuwi, pare?” Sumagot ang mister: “Sa bago kong girlfriend.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Pagkatapos mong walisin ang bakuran natin, sunugin mo ang basura,” sabi ng isang ina sa anyang binatilyo. Dagdag pa niya, “Idamay mo na ang mga plastic na pakalat-kalat lang.”

Maaaring naririnig lamang natin ang mga ito sa drama sa radyo o TV ngunit hindi naman malayo sa tunay na buhay. May mga tao talaga na lantarang walang pakialam sa atas ng Diyos. Ginagawa pa rin nila ang nais nilang gawin kahit labag sa kagustuhan ng Diyos.

Ganoon din naman ang ginawa ni Haring Solomon noon. Matapos niyang itayo ang isang templo para sa kaluwalhatian ng Diyos, naging marangya ang pagpapatayo niya ng sarili niyang palasyo, naging abala siya sa pagkamal ng yaman at nag-asawa ng mga pagano. Bilang resulta, inulan ng digmaan ang kanyang kaharian, nagkaroon ng kaguluhan sa kanyang palasyo. May ilang Bible scholar na naniniwala na sinulat ni Solomon ang Awit 127 dahil sa kapighatiang kanyang naranasan. Natuklasan niya sa wakas ng kanyang kamalian sa pagtupad ng sarili niyang paraan.

Ang sarili nating paraan ay ang ating angking talino at pagsisikap. Nauuwi ito sa kabiguan at kahungkagan. Ang paraan ng Diyos ay kaakibat ang pagtitiwala sa Kanya, ang pagsunod sa Kanya, at pagsandal sa Kanya. Nauuwi ito sa kaginhawahan at kagalakan – dito sa lupa at sa Langit. Sa bawat araw, piliin natin ang paraan ng Diyos