Darating sa bansa ang pinakamagagaling na gamefowl breeders sa pagbabalik ng pinakamalaking labanan sa sabong na World Slashers Cup ngayon hanggang 25.
Ipinaliwanag ni Rolando Lusong, organizer ng sabong, kasama ang ilang dayuhan na nagmula sa Guam, Texas, Kentucky at California, sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum na inaasahang aabot sa P20-milyon ang paghahati-hatiang premyo sa dalawang araw na salpukan ng mga panabong.
“We are so proud again to host what is considered the Olympics of Cockfighting,” sabi ni Lusong sa forum. “We had already 360 registered participants and more are coming.”
Una munang isasagawa ang 2nd International Game Fowl Trade Fair sa Enero 22-23 sa Smart Araneta Coliseum bago sundan ng sagupaan na may pinakamalaking record na 360 entries mula sa iba’t ibang bansa.
Ikinatuwa naman ng mga dayuhan ang pagsasagawa ng malaking torneo ng sabong sa bansa kung kaya ninanais nila na ilipat na lamang sa Pilipinas ang kanilang mga breeding farm.
“Cockfighting is illegal kasi sa kanilang bansa and they will be charged with felony kung magsasabong sila doon. Marami kasi doon na animal activist na umaayaw sa ganitong sports. Marami kasi sa kanila na natutunan ang pag-aalaga ng mga panabong sa kanilang mga magulang pa kaya talagang gusto nilang ipagpatuloy,” sabi ni Lusong.
Nabatid pa kay Lusong na kinukonsidera ng mga dayuhan ang Pilipinas bilang “Paradise in Cockfighting” dahil na rin sa patuloy na pagpapalawak hindi lamang sa pag-breed ng mga panabong kundi maging sa paglago ng industriya sa mga pagkain at pagpapataba sa mga panabong.
“Cockfighting now is a P60-billion industry in our country considering the products and other in relation to breeding. Ito rin ang naitutulong ng ating mga foreigner na sumasali dahil nakatutulong sila sa industriya natin,” sinabi pa nito.