Makaraan ang halos tatlong lingggo at limang araw na pagkakabihag ng New People’s Army (NPA), pinalaya na ng komunistang grupo ang jail warden ng Compostela Valley Provincial Rehabilitation Center, makaraan itong sunduin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Montevista, Compostela Valley noong Lunes.
Kinumpirma ni Duterte ang pagsundo niya kay Jail Warden Jose Mervin Coquilla, na binihag ng NPA noong Disyembre 23, 2014.
Sakay ng helicopter, sinundo ni Duterte si Coquilla sa masukal na bundok ng Montevista kamakalawa ng hapon.
Una nang nanawagan ang maybahay ni Coquilla na si Lijobeth sa NPA na palayain na ang kanyang asawa na dinukot dalawang araw bago mag-Pasko.
Sa pakiusap ng ginang kay Duterte na mamagitan ito para sa kanyang asawa baka sakaling pakinggan ng rebelde sa kahilingan palayain si Coquilla.
Dinukot si Coquilla ng NPA matapos makatanggap ng impormasyon na nasangkot ito sa pagtitinda ng ilegal na droga, korupsiyon at hindi magandang pamamalakad sa loob ng rehabilitation center.
Ayon pa sa release order ng mga rebelde, nakasaad daw na kulang umano ang ebidensiya laban sa ComVal jail warden kaya pinalaya ito.