Napakaganda sana ng buhay kung maaari nating itaboy ang mga bagyo, pasakan ang mga bunganga ng mga bulkan at pigilin ang paggalaw ng lupa para maiwasan ang mga mapaminsalang lindol.

Nguni’t ang mga nakahihindik na kalamidad na ito, at ang pinsalang idinudulot – libo-libong buhay ang nakikitil, maraming pamilyang nawawalan ng tahanan at kabuhayang naglalaho – ay bahagi na ng normal na pamumuhay sa Pilipinas, isang bansang kabilang sa tinatawag na Pacific Ring of Fire at sa likas na landas ng mga unos.

Ang kalagayan ng bansa ay lalo pang pinasama ng climate change o pagbabago ng klima sa daigdig, kaya inaasahang magiging pangkaraniwan na ang matitinding mga bagyo na darating sa atin.

Noon lamang nakaraang Sabado ay sumalubong kay Pope Francis ang malakas na hangin at ulan dahil sa bagyong Amang sa kanyang pagdalaw sa Leyte. Nakatakda sanang manatili ang pinuno ng simbahang Katoliko ng halos kahalating araw upang magmisa at makapaniig ang mga biktima ng bagyong Yolanda, nguni’t napilitang bumalik sa Maynila ng mas maaga upang maiwasan ang lalo pang malakas na hangin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng papa na alam niya ang nangyari sa Leyte noong Nobyembre 2013 kahit nasa Roma siya, nguni’t sa pagdalaw niya sa lalawigan, masasabing personal niyang naranasan ang dinaranas ng maraming Pilipino sa kanilang buhay. Umaabot sa 18 hanggang 20 ang mga bagyong humahagupit sa bansa bawa’t taon.

Ang Pilipinas, Indonesia, Japan, New Zealand, United States, Canada, Chile, Mexico at Russia, mga bansang nasa Pacific Ring of Fire, ay siyang nakararanas ng mas maraming lindol na nangyayari sa daigdig. Sariwa pa sa alaala ng mga Hapones ang lindol noong 2011, na lumikha pa ng tsunami at naging dahilan ng nuclear meltdown at nag-iwan ng halos 16,000 patay.

Mas mahina ang 7.2 magnitude na lindol na yumanig sa Bohol noong Oktubre 15, 2013 kaysa sa magnitude 9.0 na naminsala sa Japan, nguni’t isa sa ito sa pinakamalakas na natala sa Pilipinas, at kumitil sa mahigit 200 mamamayan at sumira sa maraming makasaysayang simbahan.

Bilang bahagi ng Pacific Ring of Fire, ang Pilipinas ay may mahigit 30 bulkan, at mahigit sa 20 sa mga ito ang aktibo, kabilang ang Mayon at Taal na palagiang binabantayan.

Ang Mount Pinatubo, na sa maraming siglo ay bahagi lamang ng kabundukan ng Zambales, ay pumutok noong 1991, at ang epekto nito ay naranasan sa buong daigdig. Dahil sa dami ng abo at kemikal na ibinuga ng Pinatubo, bumaba ang pandaigdig na temperature ng 0.5 degree Centigrade. Ang milyon-milyong toneladang umagos ay nagpabago sa daloy ng mga ilog sa Gitnang Luzon.

May palagiang babala ang US Embassy sa Maynila para sa kanilang mga mamamayan na nasa Pilipinas upang manatiling nakahanda sa anumang kalamidad.

Ang binigyang-diin ng nasabing babala ay preparasyon. Sa aking pananaw, ang matagumpay na preparasyon ay suportado ng sistemang may kalakip na tamang impormasyon gaya ng pagtaya sa panahon o weather forecast, na mangangailangan naman ng makabagong teknolohiya at kagamitam.

May sapat tayong weather forecasters, volcanologists at iba pang siyentista (kaya nga pinipirata ng ibang bansa), nguni’t kailangan nila ang pinakamabagong teknolohiya at kagamitan upang magawang mabuti ang kanilang trabaho.

Bilang isang bansang lantad sa mga kalamidad, ang Pilipinas ang dapat nangunguna sa weather forecasting. Napakalaki ng kabayaran para sa isang bansang hindi preparado sa kalamidad: libo-libong nasasawi, mga pamilyang nawawalan ng tirahan, mga pasilidad na napipinsala at kabuhayang nauuntol.

Nakita at naranasan natin ang lupit ng bagyong Yolanda noong 2013, Noong 2014, sinasabing tama ang ginawang preparasyon kaya hindi gaanong nakapaminsala ang bagyong Ruby, na unang kinatakutan na maging super typhoon.

Sa kabila nito, nag-iwan pa rin ng mahigit limang bilyong pisong pinsala at 18 bangkay ang nasabing bagyo. Ang huling bagyong tumama sa Pilipinas, ang bagyong Ruby, ay mahina lamang nguni’t nagdala ng maraming ulan at lumikha ng malawak na pagbaha, kay umabot sa 66 ang nasawi at mahigit 100,000 pamilya ang nawalan ng tahanan.

Ang pinakahuling mga unos na ito ay nagsisilbing panggising at paalala sa pamahalaan na gawing makabago ang ating teknolohiya at kagamitan sa weather at disaster forecasting. Dahil sa ating sitwasyon, dapat maging palagiang layunin natin na gawing pangunahin ang Pilipinas sa larangang ito.

Sa panghuli, nakikigalak ako sa aking mga kababayan at nagpapasalamat sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o bisitahin ang www.mannyvillar.com.ph)