Hindi matanggap ni dating WBO at IBF minimumweight champion Francisco Rodriguez Jr. na tumabla sa kanya ang Pilipinong si Jomar Fajardo nang una silang magharap sa Cebu City kaya muli silang magsasagupa sa Enero 31 sa Chiapas, Mexico.
Sa kanyang unang laban bilang light flyweight, pinahirapan si Rodriguez ni Fajardo sa loob ng 10 rounds sa sagupaang ginanap noong nakaraang Nobyembre 15 kung saan muntik siyang matalo ng Pinoy boxer na nagresulta lamang sa split draw ang laban.
Napilitan si Rodriguez na bitiwan ang WBO minimumweight title na natamo niya nang patulugin ang Pilipinong si Merlito Sabillo sa 10th round, gayundin ang IBF title na inagaw naman niya kay Katsunami Takayama ng Japan sa 12-round unanimous decision sa mga sagupaang ginanap sa Mexico.
May kartadang 16-2-1 (win-loss-draw) na may 11 panalo sa knockouts, umaasa si Rodriguez na makabawi sa pagtatabla kay Fajardo na kailangang magwagi sa knockout para manalo sa Mexico na tanyag sa hometown decisions.
Malaki ang mawawala kay Rodriguez kapag tinalo siya ni Fajardo dahil nakalista siyang No. 1 sa light flyweight division na kampeon ang Pilipinong si Donnie Nietes.