CALAMBA, Laguna – Halos siyam na taon matapos pumuga sa Sorsogon Provincial Jail ay naaresto kahapon ng pulisya ang isang bilanggo sa Sta. Rosa City.

Kinilala ni Chief Insp. Armie Agbuya, ng Laguna Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang naaresto na si Marvin Magpantay, 37 anyos.

Gumagamit ng alyas na “Rhed Mendoza,” naaresto ng mga tauhan ng CIDG si Magpantay habang naglalaro ng video game sa isang computer shop sa Barangay Dita dakong 1:00 ng umaga.

Ayon kay Agbuya, isang residente ang nagbigay ng tip sa pulisya sa kinaroroonan ni Magpantay, na sangkot din sa pagtutulak ng droga sa kanilang lugar.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kasama ang dalawa pang preso, pumuga si Magpantay sa Sorsogon Provincial Jail noong Pebrero 16, 2006. Nahaharap siya sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga sa Angono, Rizal.

Gamit ang pekeng ID card, malayang nakakaikot si Magpantay sa Laguna sa nakalipas na siyam na taon.

Dinampot din ng awtoridad ang kasamahan ni Magpantay na nakilalang si Jerome Bantatua, 23, nang arestuhin ng pulisya ang una.