Talagang hindi mapapawi ang paghimay at pagdama sa makabuluhang mensahe ni Pope Francis, lalo na nga ang tungkol sa paglipol ng mga katiwalian sa gobyerno at maging sa pribadong sektor. Naging bahagi nito ang minsan pang pagkakalantad ng uminit-lumamig na pagbusisi sa kontrobersyal na Freedom of Information (FOI) bill na maituturing na makapangyarihang sandata laban sa katiwalian.
Hanggang ngayon, wala pang positibong aksiyon sa naturang panukalang-batas – isang patunay na ito ay masyadong kinatatakutan ng mga mambabatas at ng mismong administrasyon. Hindi ba ito ang laging ipinangangalandakan ng kasalukuyang pamunuan upang ganap nang masugpo ang mga alingasngas? Hindi ba ito ang matunog na ipinagsisigawan noong kasagsagan ng eleksiyon na nagluklok kay Presidente Aquino? Bakit tila ito ay hindi makausad upang maging isang batas?
Ang FOI na matagal nang pinatatawing-tawing sa Senado at Kamara ang inaasahang maglalantad sa mga transaksiyon ng pamahalaan. Binibigyan nito ng karapatan ang sambayanan upang halukayin ang mga detalye sa inaakalang kontrobersyal na sistema ng pamamahala ng iba’t ibang ahensiya.
Dahil dito, hindi kaya naduduwag ang ilang senador at kongresista sa pagsasabatas ng FOI na maaaring maging hadlang sa paglilihim nila ng mga impormasyon na dapat malaman ng mga mamamayan? O, nais ng ilan na magtamasa pa ng ibayong benepisyo na taliwas sa mga simulain na ipinaglalaban ng administrasyon? Hindi kaya masyadong nangangamba ang pangasiwaan na malantad na naman ang mga katiwalian na tulad ng kasumpa-sumpang PDAF at DAP scam? Mga alingasngas ito na sinasabing kinasasangkutan ng mismong mga mambabatas at ng ilang kaalyado ng administrasyon.
Hindi nagbabago ng paninindigan ang iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na ang mga miyembro ng media upang maisabatas na ang FOI. Katunayan, maraming pagkilos ang nakahanay upang gisingin ang Kongreso at administrasyon na ito ay pagtibayin na.
Ang kanilang patumpik-tumpik na kilos ay naghahatid ng masamang hudyat na ang FOI ay nais nilang ‘patayin’.