Daig ng papal visit ang EDSA revolution kung ang pagdagsa ng tao ang pag-uusapan. Sa panahon EDSA revolution, ang dami ng tao ay halos naipon lang sa pagitan ng Camp Aguinaldo at Camp Crame sa EDSA. Ang layunin kasi nila ay ibarikada ang kanilang mga sarili para ipagsanggalang sina Enrile at Gen. Fidel Ramos na nagsanib sa Camp Crame laban sa anumang hakbang na gagawin ni Pangulong Marcos sa kanila. Nag-alsa na noon ang dalawa na bahagi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas laban sa Pangulo at pumanig sila sa taumbayan.
Sa panahong naririto si Pope Francis, dagsa na nga ang mga tao sa harap ng Apostolic Nunciature na ginawa niyang pansamatalang tirahan, dagsa pa rin sila sa mga kalyeng daraanan niya hanggang sa kanyang patutunguhan kung saan dito naman naipon ang napakaraming mananampalataya. Ganito ang sitwasyon nang tumungo siya sa Tacloban. Hindi nagawang tinagin ng bagyo ang mga tao sa kanilang paghihintay sa Papa kahit ilang oras silang naghintay sa kanya na basa at gutom.
Ang nagtulak sa mga tao upang gawin ang EDSA Revolution ay pabagsakin ang diktadurang Marcos at wakasan ang kanyang kalupitan. Sa papal visit, ang dahilan ng paglabas ng tao sa kalye ay para masilayan ang Papa sa matibay nilang pananalig na malulutas ang kanilang mga suliranin sa buhay, anumang uri ang mga ito. Pero ang mga taong pinagtagpo sa dalawang okasyon na ito na noong una ay hindi magkakilala ay naging malapit sa isa’t isa at nangibabaw sa pagitan nila ang malasakit at pagmamahal.
Dahil nga sa parehong okasyon ay binigkis ang taumbayan ng pag-ibig sa isa’t isa, pinag-isa sila ng parehong problema. Ang problema nila ay ang gobyerno. Nang lumabas ang mamamayan para ipakita ang kanilang lakas at isagawa ang People Power, nais nilang gibain ang diktadura dahil ito ang dahilan ng kanilang kahirapan at kaapihan. Ang may tangan lang ng poder ang nakikinabang sa salapi ng bayan. Ganito rin ang kanilang kalagayan sa pagdalaw ng Papa. Ang pagkakaiba lang, sa ilalim ng diktadura, gutom na ang mamamayan, sinisiil pa ang kanilang karapatan. Gutom din sila ngayon, pero maliban sa mga dukhang ginigiba ang kanilang tahanan, hindi garapal ang paglabag sa karapatang pantao.