GUIGUINTO, Bulacan - Umakyat na sa 11 katao ang kumpirmadong namatay sa pagguho ng pader ng ginagawang warehouse sa Barangay Ilang-Ilang sa bayang ito noong Lunes ng hapon.

Kinailangan pang gumamit ng mga heavy equipment, gaya ng jack hammer, backhoe at pay loader, ang mga rescuer para mailigtas ang mga construction worker.

Pito sa 11 biktima ay nakilalang sina Dave Avelino, pitong taong gulang; Nestor Maipon; Jonathan Sagayap; Arnold Bernabe; Arnel Cardanio; Joseph Pelones at Raner Dizon.

Ang nasawing bata ay isinama lang ng kanyang inang buntis sa nasabing construction site upang dalawin ang kanyang ama at uuwi din noong Lunes ng gabi pero kasama siyang natabunan ng gumuhong pader, gayundin ang ina ng bata.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang mga biktima na nakuhang may buhay pa ay agad na isinugod sa Bulacan Medical Center.

Ayon sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nagpapahinga ang mga obrero sa barracks nang biglang gumuho ang pader.

Sinabi naman ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado na napansin niyang may kaliitan ang bakal na ginamit sa bumagsak na pader kumpara sa dami ng sementong ginamit dito.

Gayunman, aniya, magsasagawa ng mas masusing imbestigasyon ang pamahalaang panglalawigan para matukoy ang sanhi sa pagguho ng pader.

Nabatid na isang Dante Chua ang may-ari ng ipinapagawang warehouse.