Lumipat na ang ilegal na operasyon ng droga sa minimum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) matapos mabuking ang transaksiyon ng mga preso sa maximum security compound ng pasilidad.

Ayon sa sources ng National Bureau of Investigation (NBI), nabatid nila ang operasyon ng droga bunsod ng puspusang monitoring activity ng mga operatiba nito sa minimum security compound at sa Reception and Diagnostic Center ng Bureau of Corrections (BuCor), na kapwa hindi nababantayan nang todo ng mga jail guard kumpara sa maximum security.

Sinabi pa ng source na lumitaw sa ulat ng intelligence community na nag papatuloy ang pakikipagtransaksiyon ng mga convicted drug trafficker na sina Rodel Costelo at Gerry Pepino, kapwa nakapiit sa minimum security compound, sa mga tulak sa labas ng pasilidad.

Tulad ng 20 preso na binansagang “Bilibid Kings” na inilipat sa NBI mula sa NBP, nagbubuhay hari rin sina Costelo at Pepino sa minimum security compound.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ang balita namin ay meron din silang suite at complete with amenities,” pahayag ng source.

Ayon sa NBI source, ginagamit din ang NBP hospital upang makapagtransaksiyon sa droga sa pamamagitan ng cellular phone.

“Ngayong medyo mainit ang maximum security sa mga raids, ‘yung mapapansin mo talaga na may shift sa drug trade from the maximum security to the minimum security. May ibang nag-take over sa business after nung raids,” pahayag ng isang operatiba ng NBI.

Kabilang sa mga NBP inmate na inilipat sa NBI detention facility sina Eugene Chua, Sam Li Chua, Vicente Sy, George Sy, Tony Co, Joel Capones, Herbert Colangco, Peter Co, Amin Imam Buratong, Clarence Dongail, Tom Chua, Rommel Caponey, Jojo Baligad, Willy Chua (Cai Shao Ming), Michael Ong, Jacky King, Willy Sy, Noel Martinez, Agojo Y. Dona, at isang “Marcelo.”