Nagmartsa ang mga asawa ng mga preso ng New Bilibid Prison (NBP) sa Alabang, Muntinlupa City kahapon upang igiit na ibalik ang dalaw na ipinatigil ng NBP matapos ang pagsabog ng granada sa pasilidad nitong Enero 8.

Bitbit ang mga placard, nagrally ang mga asawa ng mga preso sa Alabang Viaduct upang tawagin ang atensiyon hindi lang ng mga opisyal ng NBP kundi maging ni Senator Grace Poe.

“Senator Grace Poe, ikaw ang puso ng masa. Sang-ayon ka ba sa batas ni De Lima?” nakasulat sa placard ng mga nagprotesta.

Nakasulat din sa iba pang placard ang “Pamilya ng mga inmates malaking tulong si Colanggo” at “Ibalik si Colanggo sa Bilibid”.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Si Herbert Colanggo, na nasentensiyahan sa kasong pagpatay at itinuturong lider ng Kuratong Baleleng bank robbery group, ay kabilang sa 20 high-profile inmate na inilipat sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos mabuking ang kanilang mala-haring pamumuhay sa Bilibid.

Sinabi ni NBP chief Supt. Richard Schwarzkopf Jr. na ipinarating na niya kay Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga hinaing ng pamilya ng mga sentinsiyado at balak din aniyang ipaabot ang isyu kay Justice Secretary Leila de Lima.