Binatikos ng militar ang New People’s Army (NPA) sa kabiguang totohanin ang ipinangako nitong palalayain ang tatlong pulis na binihag ng kilusan sa Surigao del Norte noong Nobyembre.
“By suspending the release of the kidnap victims, the CPP-NPA has lost its golden opportunity to show the Filipino people that they are supporting the message of Mercy and Compassion brought by Pope Francis during his visit here in the Philippines,” saad sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“We are saddened that instead of fulfilling their promise of releasing the victims, the NPA is now engaging in propaganda war by blaming the AFP of causing the suspension of the release of the policemen,” ayon kay Lt. Col. Harold M. Cabunoc, hepe ng AFP public affairs office (PAO).
Pinabulaanan din ni Cabunoc ang pahayag ng grupong komunista na naglunsad ng opensiba ang militar laban sa NPA, na isang paglabag sa suspension of offensive military operation (SOMO) na ipinairal ng AFP simula Disyembre 18 at nagtapos nitong Enero 19.
Sa pagpapatupad ng SOMO, dapat ay nakapirme ang mga sundalo sa kani-kanilang poste upang magpatupad ng peace and development activities at proteksiyunan ang mga instalasyon at mga komunidad laban sa mga kriminal.
Kung tapat ang NPA sa layuning isulong ang usapang pangkapayapaan, sinabi ni Cabunoc na dapat nang palayain ang mga bihag nito at payagan ang mga lokal na opisyal sa lugar na sunduin ang tatlong pulis.
At kung patuloy na hindi naipatutupad ng NPA ang pangako nitong palalayain ang tatlong pulis ay mapipilitan ang militar na magsagawa ng rescue operation sa mga hostage sa pagtatapos ng SOMO nitong Lunes.