Nagdulot ng malawakang brownout sa North Cotabato nang pasabugin ang isa pang transmission tower ng National Grid Corporation of The Philippines (NGCP) kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Senior Supt. Danilo Peralta, hepe ng Cotabato Provincial Police Office (CPPO), na nangyari ang pagpapasabog dakong 8:10 noong Linggo ng gabi sa Barangay Batulawan, Pikit, North Cotabato.
Ayon kay Peralta, pinasabugan ng improvised explosive device (IED), na gawa sa dalawang bala ng 81mm mortar, 9 volts battery at cell phone bilang triggering mechanism, ang NGCP Transmission Tower No.41 sa Bgy. Batuwalan.
Dahil dito, bumagsak ang tower at nagdulot ng mahabang brownout sa North Cotabato at Maguindanao.
Takot ang namahay sa mga residente dahil sa lakas ng pagsabog ng bomba na itinanim sa tore.
Ito ang ikalawang pambobomba sa mga transmission line ng NGCP, na nangyari ang una noong nakaraang linggo sa Bgy. Galakit, Pagalungan, Maguindanao.