Nag-alay ng panalangin si Pope Francis para sa volunteer na namatay matapos madaganan ng scaffolding matapos magmisa ang Papa sa Tacloban City, Leyte, noong Sabado ng umaga.

Ang panalangin ay hiniling ni Pope Francis sa kabataan at sa mga Pinoy bago sinimulan ang aktibidad sa University of Santo Tomas (UST), kahapon ng umaga.

“I would like all of you, young people like her, to offer a moment in silence with me... then we pray to our Lady in heaven,” pahayag ni Pope Francis.

Nauna rito, nasawi si Kristel Mae Padasas, 27, na nagtatrabaho para sa Catholic Relief Services.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Padasas ay isa sa mga volunteer na tumulong sa misa ng Papa malapit sa Daniel Romualdez Airport sa Tacloban City.

Sinira ng malakas na hangin ng bagyong ‘Amang’ ang bakal na scaffolding at nadaganan si Padasas ng bumagsak na sound box; malubha siyang nasugatan sa ulo na kanyang ikinamatay.

Kasabay nito, hiniling din ni Pope Francis sa kabataan na ipanalangin ang mga magulang ni Padasas, na nabatid na nag-iisang anak na babae ng mga ito.

“Let us pray for her parents. She was an only daughter. Her mother is coming from Hong Kong. His father is coming from Manila,” anang Papa.

Nag-alay din ng isang minutong tahimik na panalangin ang mga nagtipun-tipon sa aktibidad sa UST nitong Linggo, upang ipanalangin si Padasas at ang kanyang mga magulang.