Unang magsasanay sa labas ng bansa ang gymnastics at cycling bilang paghahanda sa 28th Southeast Asian Games na gaganapin sa Hunyo 5 hanggang 16 sa Singapore.

Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia, na miyembro rin ng Team Philippines Southeast Asian Games Management Committee, na magpupulong sila sa susunod na linggo para pag-usapan ang pondong gagamitin sa pagsasanay ng mga national sports associations (NSA’s).

“Mayroon tayong P30-milyon sa actual participation pero ang hindi pa natin nasisiguro ay ang budget para sa exposure at training abroad ng mga atletang makakasama sa SEA Games. Actually, mayroon na silang approved budget pero minsan hindi nagiging sapat sa kanilang preparations,” sinabi ni Garcia.

Nakatakdang sumabak ang Gymnastics Association of the Philippines (GAP) sa isang torneo sa Hong Kong habang magtutungo naman ang mga atleta ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) sa isang karera sa Marso sa Thailand.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Muli namang nagbabala si Garcia sa mga napag-iiwanang NSA’s na isumite na nang mas maaga ang kanilang shortlist ng mga kuwalipikadong atleta at maging ang mga posibleng makapagwawagi ng medalya sa kada dalawang taong torneo upang agad maihanda ang pambansang delegasyon.

“Aalisin na lang siguro natin kapag hindi nakapagpasa ng kanilang listahan immediately after sa pagbisita ng Pope,” babala ni Garcia.

Nais din ng SEA Games Management Committee na agad malaman ang sitwasyon ng NSA’s kung makakasali o hindi ang mga premyado nilang mga atleta.

Una na dito ang Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) na hindi masiguro kung tuluyang makakapaglaro ang pangunahin nilang netter na si Treat Huey na nakatakdang maglaro sa Wimbledon Open na makakasabay naman ng Singapore SEA Games.

“We want to know at this point kung sino pa ang ibang NSA’s na may problema at hindi iyong kung kailan ilang araw na lang bago ang SEA Games ay saka pa lamang magsasabi na hindi makakalaro ang kanilang mga atleta,” giit pa ni Garcia.

Sa kasalukuyan ay pitong NSA’s pa lamang ang nakapagsumite ng kanilang shortlist base sa unang iniutos ng Task Force.

Nakatakdang sumali ang Pilipinas sa 33 sports na mula sa itinakdang 36 na disiplinang paglalabanan.