Matapos ang maraming haka-haka at matagal na paghihintay, makakahinga na ng maluwag ang ‘di mabilang na fans ng Barangay Ginebra San Miguel makaraang palagdain na ng koponan kamakalawa ang kanilang magiging reinforcement para sa PBA Commissioner’s Cup.
Kinumpirma noong Linggo ng gabi ni player-agent Sheryl Reyes na nakatakdang magbalik sa Philippine Basketball Association (PBA) si Michael Dunigan matapos lagdaan ang kontrata upang maging import ng Gin Kings sa susunod na conference.
Katatapos lang maglaro ni Dunigan, na ang opisyal na sukat sa PBA ay 6’8 13/16, para sa Canton Charge sa NBA Developmental League.
Matatandaan na unang nakita si Dunigan sa PBA bilang import ng Air 21 sa Commissioner’s Cup noong 2012-13 season.
Bilang import ng Express, pinatunayan ni Dunigan ang kanyang galing sa pagtatala ng mga average na 23.9 puntos, 15.4 rebounds, 3.3 assists, at 2.4 blocks kada laro.
“Michael Naiditch, Dunigan’s agent, and I have agreed on the terms thus paving the way for Mike to finally sign the contract last Saturday night,” saad ni Reyes.
“Mike and his camp are very thankful to the Ginebra management for their patience and understanding, especially team manager Alfrancis Chua. He had to focus on the D-League showcase, that’s why he only decided to say yes to the offer the other night,” dagdag nito.
Ayon kay Reyes, excited na ang 25-anyos na si Dunigan sa kanyang pagbabalik sa liga at makasama ang mga kakampi sa Ginebra, partikular si Jayjay Helterbrand na kanyang nakalapit sa kanilang bible study sessions sa unang pagtuntong niya sa bansa.
Sa NBA D-League, si Dunigan ay nagposte ng average na 32.6 puntos, 7.8 rebounds at 1.5 assists para sa Canton Charge.