Inatasan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim S. Jacinto Henares ang accredited agent banks (AAB) ng ahensiya sa Metro Manila at Leyte na huwag pagmultahin ang mga taxpayer na atrasadong naghain at nagbayad ng buwis bunsod ng limang-araw na pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Sa nilagdaan niyang Bank Bulletin No. 2015-01, inabisuhan ni Henares ang mga AAB na walang multang kokolektahin sa mga taxpayer kung ang mga ito ay magbabayad ngayong Martes, Enero 20, dahil ang unang itinakdang deadline ay nitong Huwebes at Biyernes.
“In view of the visit of the Pope, the head of state of the Vatican City and pursuant to Proclamation No. 936, January 15, 16 and 19, 2015 have been declared as special non-working holiday in the National Capital Region (NCR),” ayon sa bank bulletin.
Nakarating din sa tanggapan ni Henares ang isang executive order na inilabas ng mayor ng Tacloban City: “It is advised that the tax deadlines on January 15 and 16 for the filing and payment of taxes due are hereby extended until January 19 (Monday) only,” na isang regular working day sa siyudad.
Naglabas din ng hiwalay na direktiba ang BIR chief sa mga revenue regional director at district officer na nakatalaga sa mga nabanggit na lugar upang maipatupad ang polisiya.
Saklaw din ng memorandum ang mga taxpayer na magsusumite ng kanilang tax return sa pamamagitan ng electronic filing at payment system (EFPS).
Sa kabila ng dalawang direktiba, tahimik naman si Henares tungkol sa ibang revenue region na nagdeklara rin ng holiday ang kani-kanilang lokal na pamahalaan upang bigyang-daan ang makasaysayang pagbisita ng lider ng 1.2 bilyong Katoliko sa mundo.