NAKABALIK na nga sa Vatican sa Roma, si Pope Jorge Mario Bergoglio na mas kilala natin sa gusto niyang itawag sa kanya, ang Pope Francis dahil gusto niyang tularan si St. Francis of Assisi at ang mga paring Franciscan na may mabababang-loob at malapit sa mga tao. Isa mismo ito sa mga mensaheng iniwan ni Pope Francis, ang magkaroon tayo ng compassion at pagmamahal lalo na sa mga abandoned at mahihirap.
Sakay ng Shepherd One ng Philippine Airlines (PAL) si Pope Francis, 10:00 AM., na umalis kahapon, pagkatapos ng limang araw na pagbisita sa bansa na nagpaiyak at nagpatawa sa napakaraming Pilipinong nag-welcome at naghatid sa kanya sa Villamor Airbase.
Kasama pa rin ni Pope Francis sa almost 18 hours direct flight ang lahat ng local at foreign correspondents na sumundo sa kanya sa Vatican, sumama at kumober sa kanya sa Sri Lanka at dito sa Pilipinas noong January 15. Kasama rin niyang umalis ang presidente ng PAL na si Jimmy Bautista.
Sa report ni Mike Enriquez ng GMA Network, may protocol palang sinusunod sa Vatican na kung sino ang sumundong foreign correspondents sa Santo Papa ay kasama pa rin sa paghahatid pabalik sa kanya sa Vatican: paghahatid sa kanya ng AlItalia plane sa Sri Lanka at ng Sri Lankan Airline na naghatid sa kanya sa Pilipinas, kaya ang PAL naman ang naghatid sa kanya sa Vatican. At kasama ang president ng airline na sasakyan niya dahil ito pala ang magbubukas ng pintuan ng eroplano bago bumaba ang Santo Papa pagdating sa Vatican.
Samantala, sa concluding Holy Mass ni Pope Francis sa Quirino Grandstand noong Linggo, nakita naming hindi alintana ni Kris Aquino ang malakas na ulan, kasama si Pangulong Noynoy Aquino at mga anak na sina Joshua at Bimby, na nakisama sa may pitong milyong tao na nakinig sa misa. Sa harap ng grandstand sila umupo at hindi doon sa lugar na hindi sila mababasa. Nag-post din si Bianca Gonzales sa Instagram (IG) ng picture nila ng husband niyang si JC Intal na pareho silang nakakapote at maaga pa ay sumama na sa crowd sa Quirino Grandstand.
At sino nga ba ang hindi blessed na blessed kundi si Erik Santos na napiling kumanta ng Responsorial Psalm sa Holy Mass. Nag-post siya sa IG habang nagri-rehearse kasama ng orchestra at 1000 choir members. Naka-post din ang ibinigay na gifts sa kanya ni Pope Francis, isang Holy Rosary, a sticker of the Vatican, isang picture ng Santo Papa at isang necklace na may crucifix na tulad ng suot-suot ni Pope Francis. Post niya: “An experience I will cherish for the rest of my life.”
Maraming umiyak nang umalis si Pope Francis pero feeling blessed dahil hindi man lahat sila ay na-meet nang personal ang Santo Papa, tumutok naman sila sa lahat ng events na pinuntahan ni Pope Francis, at nakiisa sa mga misang ginawa niya.
Isa lamang ang wish ng lahat ng mga Pilipino, sana’y payagan muli ng Vatican na bumalik sa Pilipinas si Pope Francis next year.
Dapat pala kasi ay sa 2016 World Youth Day na gaganapin sa Cebu City pupunta ang Santo Papa, pero hindi siya pumayag na hindi niya tuparin ang ipinangako niya na pupunta siya sa Pilipinas para makasama at makausap ang mga taong sinalanta ng bagyong Yolanda noong November 8, 2013. Isa na namang first kay Pope Francis kung magkasunod na taon ay pupunta siya ng Pilipinas. Siya rin marahil ang first pope na nagmisa sa napakaraming tao sa gitna ng malakas na ulan dahil sa bagyong ‘Amang’.
Tama nga ang sabi ni Fr. Lombardi, head ng Vatican press, nang malamang may bagyong kasabay si Pope Francis pagpunta niya ng Tacloban, na “If it is not a hurricane, Pope Francis is not afraid of the rain,” dahil natuloy sila sa Tacloban.
Marami ang nagdarasal sa kalusugan ni Pope Francis, para muli siyang makabalik sa Pilipinas sa 2016. At 78, iisa na lamang ang lung ng Santo Papa, kaya naman parang himalang nakaya niya ang lahat ng activities na pinuntahan niya sa limang araw na pagdalaw niya sa ating bansa.