Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umaabot sa 12 katao ang namatay sa pananalasa ng bagyong ‘Amang’ sa Visayas at Bicol regions.

Sa report ng NDRRMC, ang mga nasawi ay kinilalang sina Kristel Mae Padasas, volunteer ng Papal visit sa Tacloban City, na nadaganan ng bumagsak scaffolding matapos ang misa ng Santo Papa noong Sabado; at Domingo Tablate, 69, na nalunod sa Antipolo Del Sur, Virac, Catanduanes.

Sa natanggap na report ng NDRRMC, hindi pa nakikilala ang may 10 katao na nalibing nang buhay sa Sitio Iraya, Barangay Inang Maharang, Manito, Albay.

Umabot naman sa 7,990 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Bicol, Western at Eastern Visayas at mahigit 6,000 indibiduwal ang kinakalinga sa mga evacuation center.

National

Giit ni Romualdez: Trahedya ng Bagyong Yolanda ‘di na raw dapat maulit

Sinabi ng NDRRMC na nasa 1,760 pamilya ang inilikas sa Albay, Catanduanes, Sorsogon, Camarines Norte, Leyte, Biliran, Eastern Samar, at Samar.

Labingsiyam na bayan ang nalubog sa baha sa Bicol at Eastern Visayas, habang pitong kabahayan naman ang nawasak sa Catanduanes.

Pahirapan ang rescue operation sa pamilyang natabunan ng mga putik at malalaking tipak ng bato dulot ng bagyong Amang sa Manito, Albay, bunsod ng patuloy na pag-ulan sa lugar.