Taliwas sa inakala ng marami, kuntento ang mayorya ng overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Vice President Jejomar C. Binay, maraming OFW ang kuntento sa kanilang sahod at kondisyon sa pinagtatrabahuhan sa ibang bansa.
“Basically, masasaya ang mga OFW sa benefits, sa suweldo, at kung ano pa,” pahayag ni Binay sa panayam.
Itinuring ng ikalawang pangulo na mga “isolated case” lang ang mga ulat ng pang-aabuso sa mga OFW.
Kinontra rin ni VP Binay ang impresyon na malungkot ang mga OFW sa kanilang pamumuhay sa ibayong dagat.
Bukod dito, respetado at hinahangaan din ng kanilang employer at host country ang mga Pinoy dahil sa kanilang propesyunalismo at sipag.
“About 12–15 percent of our OFWs constitute domestic cases and unskilled. The rest are professional and skilled, 55-90 percent. Halos lahat ng problema ay doon lang sa 12–15 percent,” paliwanag ni Binay.
Itinuturing ng iba’t ibang sektor ang mga OFW bilang mga “bagong bayani” hindi lang dahil sa kanilang sakripisyo sa pagkakawalay sa kanilang mga mahal sa buhay, kundi dahil sa kanilang kontribusyon sa pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang remittances na umaabot sa bilyong piso kada taon.
Tinatayang aabot sa $24 billion ang remittance ng mga OFW noong 2014 matapos maitala ang pagpasok ng $19.87 billion sa kaban ng bayan mula Enero hanggang Oktubre ng nakaraang taon. - JC Bello Ruiz