Ni ALEXANDER D. LOPEZ

DAVAO CITY – Inihayag ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles na ang pagpapahayag ni Pope Francis ng tiwala sa prosesong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay maituturing nang isang biyaya.

Sa isang pahayag sa mga mamamahayag dito, nagpahayag din ng pasasalamat si Deles sa tiwala ng Papa “that our national efforts to make peace in Mindanao will result in a just and inclusive peace—one that will be durable and lasting.”

Bibiyahe na pabalik ng Rome, Italy ngayong Lunes, sa kanyang courtesy visit sa Malacañang nitong Biyernes ay sinabi ni Pope Francis na naniniwala siyang maisasakatuparan ang kapayapaan sa Mindanao.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

‘In a particular way, I express my trust that the progress made in bringing peace to the south of the country will result in just solutions in accord with the nation’s founding principles and respectful of the inalienable rights of all, including the indigenous peoples and religious minorities,” anang Papa.

‘APO EDSILA’

Kaugnay nito, kinilala naman ng mga katutubong Lumad sa Mindanao ang pagpapahalaga sa kanila ni Pope Francis matapos nilang gawaran ng titulong “Apo Edsila” ang Argentine pope sa isang pagtitipon sa Tacloban City, Leyte nitong Sabado.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dulphing Ogan, pinuno ng tribong B’laan at secretary general ng grupong Lumad na “Kalumaran”, na iginawad nila ang pagkilala kay Pope Francis upang ipakita ang pagkilala ng mga katutubo sa pagrespeto ng Papa sa mga sagradong paniniwala ng mga Lumad sa Mindanao.

Ayon kay Ogan, ang “Edsila” ay salita ng mga tribung Higaonon at Talaandig na nangangahulugan ng liwanag o bukangliwayway na katumbas ay pag-asa at pagbabago.

Para sa titulo, nagsagawa ng ritwal si Ogan at lima pang pinunong Lumad mula sa mga tribu ng Bagobo, Manobo at Higaonon bago mag-takipsilim noong Sabado sa Tacloban.

Matatandaang mula sa Maynila ay nagbiyahe noong Sabado si Pope Francis sa Tacloban para magmisa ngunit dahil sa masamang panahon na dulot ng bagyong ‘Amang’ ay kinansela ang iba pang aktibidad ng Papa sa Leyte.