Magrereklamo sa International Olympic Committee–Court of Arbitration in Sports (CAS) ang Philippine Volleyball Federation (PVF) sakaling hindi kilalanin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang isasagawa nilang eleksiyon at mahahalal na opisyales ng asosasyon na itinakda sa Enero 25.
Napag-alaman sa mga opisyal ng PVF, na huling nagpulong noong Enero 10 upang ayusin ang kaguluhan sa loob ng asosasyon, na mapupuwersa silang ilapit sa CAS sa pinakamataas na asosasyon sa sports sa mundo na IOC, ang kanilang sitwasyon kung hindi kikilalanin ng POC.
“We are in good standing with our international association FIVB, in fact, they just recently gave us attestation on our effort to uplift volleyball in the country,” ayon sa opisyal ng PVF na tumangging pangalanan.
Kinumpirma rin ng opisyal na itutuloy ng PVF ang kanilang halalan sa Enero 25 kahit hindi magpadala ng kanilang representante ang POC.
Ang CAS ay ang komite ng IOC na nakatalaga upang resolbahin ang anumang kaguluhan sa lahat ng mga miyembro ng National Olympic Committee (NOC).
Una nang humingi ng permiso sa POC para sa gaganaping eleksiyon ang PVF subalit tumanggi ang una nang mahalukay ang magulong mga dokumento ng huli.
Gayunman, umaasa ang pamunuan ng PVF na papanigan sila ng kinaaanibang internasyonal na FIVB at Asian Volleyball Confederation (AVC) sa paniniwalang tama ang kanilang hakbangin at mapagsama ang mga paksiyon sa loob ng samahan.
Ipinaliwanag naman ng POC na matagal nang hindi miyembro ang PVF dahil wala itong lehitimong dokumento na anila’y ay wala nang saysay ang isasagawa nilang eleksiyon dahil hindi kasapi sa pribadong organisasyon ang PVF.
“Technically, the PVF is not an NSA under the POC. There is no existing NSA for volleyball right now,” sinabi ni POC 1st Vice President Jose Romasanta.
Una nang inatasan ni POC president Peping Cojuangco si Romasanta matapos makausap ang mga opisyal ng FIVB at AVC sa ginanap na 2014 Asian Beach Games. Ito rin ang inatasan na mangasiwa sa ipadadalang volleyball team sa SEA Games sa Singapore.