GENERAL SANTOS CITY - Isang pulis ang nahaharap sa kasong kriminal at administratibo matapos niyang bunutan at tutukan ng baril ang kanyang hepe sa gitna ng mainitan nilang pagtatalo sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Inilagay din sa restrictive custody ni Sultan Kudarat Police Provincial Office Director Senior Supt. Rex de la Rosa si SPO2 Richard Mucalam matapos tangkain umanong barilin si Chief Insp. Ryan Lim, hepe ng Police Provincial Safety Company.

Ipinag-utos na ni De la Rosa sa Provincial Internal Affairs Service na imbestigahan ang insidente upang bigyang daan ang paghahain ng kasong administratibo laban kay Mucalam.

National

Patutsada ni Hontiveros: Guo, nakakapag-Facebook pero 'di makaharap sa Senado

Nagtalo sina Lim at Mucalam matapos tumanggi ang huli na sumunod sa direktiba ng kanyang hepe na magmando ng checkpoint sa highway sa tapat ng PPSC sa Barangay Grino, Tacurong City.

Sinabon din umano ni Lim si Mucalam matapos itong magpasok ng 10 motorsiklo sa loob ng kanilang punong tanggapan bagamat bineberipika pa rin ng pulisya ang pag-aari sa mga sasakyan. - Joseph Jubelag