Lagdaan na lamang ang kulang upang tuluyan nang mapasakamay ng Philippine Sports Commission (PSC) ang karapatan sa pangangalaga sa 50- ektaryang lupain na pagtatayuan ng moderno at makabagong pasilidad na National Training Center na pagsasanayan at pagpapalakas sa pambansang koponan sa Clark, Pampanga.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na ipopormalisa na nila ang binuong draft agreement sa susunod na linggo upang maipasa ang kinakailangang dokumento sa lupain na nasa pamamahala ng Clark International Airport Corporation (CIAC) upang ipagkatiwala sa ahensiya.

“Mahalaga kasi na ma-secure muna natin iyong lugar bago natin isipin kung paano makakakuha ng pondo para maitayo natin ang isang modernong pasilidad. Napag-iiwanan na tayo sa makabagong teknolohiya sa iba’t ibang sports kaya talagang dapat natin na agad mapasimulan ang sports center,” sinabi ni Garcia.

Ipinaalam ni Garcia na nakasaad sa kopya ng kontrata na ililipat sa PSC ang pamamahala sa lupain sa loob ng 25 taon na may taunang renta na halagang P1.00 kada taon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ibang-iba ang kapaligiran doon kumpara sa Rizal Memorial Sports Complex. Puwede kang magjogging sa umaga sa buong facility na makakalanghap ka ng hindi polluted na hangin. Talagang makakapagpokus hindi lamang sa kanilang pagsasanay doon ang mga atleta kundi maging sa kanilang pag-aaral,” giit ni Garcia.

Balak itayo ng PSC sa lupain ang state of the art na training facilities na sasamahan nila ng opisina para sa sports sciences upang matulungan ang national athletes na mas mapalakas pa ang kanilang mga kapasidad at husay sa pagkampanya sa mga internasyonal na torneo.

Umaasa si Garcia na matapos makumpleto ang kasunduan sa CIAC ay unti-unti na nilang maisusunod ang iba pang kakailanganin para sa pagtayo ng National Training Center, kabilang na ang planong pagpapatayo ng pasilidad at ang paghahanap sa gagamiting pondo.

Kasalukuyang hinihintay ng ahensiya ang opinyon ng Department of Justice (DoJ) hinggil sa posibleng paglilipat ng pangangalaga ng inookupahan nilang Rizal Memorial patungo sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila kapalit ng halagang P3.5 bilyong piso.

“We learned that the DoJ is doing an extensive study on our letter,” paliwanag ni Garcia. “We will be waiting for that reply from Secretary Laila De Lima before we could start talking about Rizal. Inihahanda na rin natin ang iba pang opsiyon kung sakaling hindi pupuwedeng makakuha ng pondo sa paglilipat sa Rizal Memorial,” dagdag ni Garcia.