Natunaw ang puso ni Pope Francis sa ikinuwento ng dalawang dating batang kalye na nabigyan ng panibagong pag-asa at bagong buhay ng isang non-government organization matapos masagip mula sa isang sindikato.
Maraming Pinoy ang pinaluha ni Jun Chura, 13, lalo na ni Glyzelle Iris Palomar, 12, na hindi napigil ang paghagulgol habang inihahayag sa Papa ang mapait nilang karanasan nang pangunahan ng huli ang misa para sa kabataan sa University of Santo Tomas, kahapon ng umaga.
“Maraming bata ang pinabayaan ng kanilang mga magulang. Maraming bata ang nakaranas ng masama tulad ng droga at prostitusyon. Bakit po pumapayag ang Diyos na mayroong ganitong nangyayari? Kahit walang kasalanan ang mga bata? Bakit kaunti lang ang mga taong tumutulong sa amin?” umiiyak na pahayag ni Palomar sa harap ng Papa.
Bunsod ng hindi mapigilang emosyon at pagluha ay hindi na natapos ni Palomar ang kanyang inihandang testimonya.
Si Palomar ay isang dating batang lansangan na natulungan at nabigyan ng bagong pagkakataon at pag-asa ng Tulay ng Kabataan Foundation.
Nakakapag-aral na siya sa ngayon sa tulong ng naturang NGO.
Nauna rito, ganito rin ang naging takbo ng kuwento ni Chura, isang dating out of school youth at inabandona ng kanyang mga magulang.
Kuwento ni Chura, napipilitan siya dating manghingi ng pagkain at matulog sa kalye na ang sapin ay karton lamang.
Sinabi niyang nakita rin niya ang mga kapwa batang lansangan na tuluyan nang napariwara ang buhay at nagagawa pang mag-droga, magnakaw at pumatay upang mabuhay.
“Hindi ko alam kung saan ako tutuloy. Natutulog ako sa tabing kalye at ginagawa ang karton bilang sapinan,” aniya. “Di ko alam kung anong kakainin ko sa bawat araw. Naghihintay na lang akong matapos ang ibang kumain at hihingin ko ang kanilang pagkain.”
Ikinasama rin ng loob ni Chura na kahit marami siyang taong hinihingian ng tulong ay kakaunti lang ang tumutulong sa kanya at minsan ay niloloko pa sila ng ibang tao upang abusuhin tulad ng pagpapatrabaho sa kanila at pagpapagawa ng malalaswang bagay.
“Totoo pala na may handang tumulong sa mga batang lansangan. Sinabi ko sa aking sarili na magtatapos ako ng pag-aaral para balang-araw ay makatulong din ako sa mga batang kalye na katulad ko dati,” ani Chura.
Matapos ang kanilang testimonya ay lumapit ang dalawa kay Pope Francis at nagbigay ng baller o wristband sa Papa bilang regalo.
Bilang ganti, niyakap, hinalikan at binasbasan ni Pope Francis ang mga bata at pinagkalooban ng rosaryo bilang handog.