Iniutos ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang agarang imbestigasyon sa pagsadsad ng Lear Jet na sinakyan ng ilang opisyal ng gobyerno habang paalis sa Daniel Romualdez Airport sa Tacloban City, Leyte, noong Sabado ng tanghali.
Inatasan agad ng Pangulo si Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Jun Abaya na imbestigahan ang insidente upang mabatid kung may kinalaman ito sa masungit na panahon na dulot ng bagyong ‘Amang’ o nagkaroon ng mechanical problem ang eroplano.
Gayunman, sa nasabing insidente ay ligtas at hindi nasaktan ang mga lulan sa eroplano na pawang opisyal ng Malacañang na kinabibilangan nina Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Communications Secretary Sonny Coloma, Undersecretary Manny Bautista at Undersecretary Felizardo Serapio.
Dakong 1:30 ng hapon nang mabigong makapag-takeoff ang Bombardier Global Express plane ng nabanggit na mga opisyal kasama ang walong staff members at tatlong crew, matapos sumabog ang gulong ng eroplano na sumadsad sa runway hanggang magtuluy-tuloy sa madamong bahagi ng Tacloban Airport.
Dinala naman sa RTR Medical Center ang tatlong piloto at crew para agad na malapatan ng lunas sa tinamong minor injuries.