Nagpadala ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng dalawang imbestigador sa Vietnam para alamin ang sanhi ng paglubog ng M/V Bulk Jupiter noong Enero 2 na ikinamatay ng dalawang Pilipino at 16 na iba pa ang nawawala.

Ang Bahaman-flagged ship, sakay ang crew na pawang Pilipino ay lumubog sa Vung Tau City, na ikinamatay ng kapitan nito at ng third officer, 16 ang nawawala, at isa lamang ang nakaligtas.

Sinabi ni MARINA administrator Dr. Maximo Mejia na ang grupo ay binubuo nina Atty. Hershel F. Magracia, officer-in-charge ng MARINA law enforcement service, at Samuel L. Batalla, hepe ng standards of training, certification, and watchkeeping (STCW) service ng ahensiya.

Inatasan silang kumpletuhin ang kanilang imbestigasyon at agad na magulat.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Umalis ang dalawang opisyal patungong Vietnam noong Enero 8, ani Mejia.

Kinumpirma ni Magsaysay Maritime Corp. (MMC) president Marlon R. Roño na namatay sa aksidente sa karagatan sina Capt. Ronel Aquiza Andrin, master ng M/V Bulk Jupiter; at ang kanyang third officer (third mate) na si Jerome Maquilang Dinoy, habang nag-iisang nakaligtas si Angelito Capindo Rojas, ang chief cook.

Nagbalik na sa bansa si Rojas habang patuloy ang search and rescue (SAR) operations ng Vietnamese, Japanese at Singaporean navy at coastguard para sa 16 na nawawalang crew.

Batay sa impormasyon mula sa mayari ng barko, ang Gearbulk Norway, A/S, umalis ang MV Bulk Jupiter, sa Kuantan, Malaysia dakong 10 p.m. (local time) noong Disyembre 30, 2014, at patungong China sakay ang lahat ng 19 na Pilipino crew. Karga ng barko ang may 46,000 metriko toneladang Bauxite oil. Naglabas ito ng distress signals dakong 10:54 p.m. PHL time, noong Enero 1, 2015 bago lumubog sa layong 150 nautical miles mula sa baybayin ng Vietnam. (PNA)