Nahaharap sa posibleng malaking multa ang guard ng Barangay Ginebra na si Eman Monfort at kapwa guard ng Globalport na si Terrence Romeo makaraan umanong magsuntukan sa nakaraang tune-up match na ginanap sa Green Meadows gym sa Libis, Quezon City.

Ayon sa mga naglabasang ulat, batay na rin sa naging pahayag ni Ginebra team manager at alternate governor Alfrancis Chua, nag-ugat ang gulo sa pagkapikon ni Romeo sa matinding depensang ginawa sa kanya ni Monfort.

Sinabi ni PBA Media Bureau chief Willie Marcial, agad nilang rerepasuhin ang tape ng nasabing laro para sa mga kaukulang sanctions na kanilang ipapataw sa mga sangkot sa gulo.

Naantala ang dapat na review ng tape sa naturang laro dahil sa pagkakaroon ng mahabang weekend at bakasyon matapos ang ginawang pagbisita ng Santo Papa sa bansa mula Pebrero 15-19 bilang ``non-working holiday``.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon pa sa mga naunang ulat, hindi lamang ang dalawang guwardiya ang namataang nagpalitan ng suntok at nakasakit dahil biktima rin umano ang beteranong guard ng Kings na si Mark Caguioa ng paniniko sa mukha habang umaawat sa nanugod namang forward ng Batang Pier na si Kelly Nabong.

Ayon kay Marcial, matapos repasuhin ang tape, doon lamang malalaman kung gaano kabigat ang mga parusa o multang ipapataw ni PBA Commissioner Chito Salud sa mga manlalarong sangkot sa kaguluhan.

Samantala, noong nakaraang Setyembre ay tatlong manlalaro ang napatawan ni Salud ng multang tig-P40,000 dahil sa pagkakasangkot sa gulong nangyari sa tune-up match sa pagitan ng Rain or Shine at NLEX