Pinuri ng isang leader ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang pagkontra ni Pope Francis sa patuloy na pang-ookray ng French magazine na Charlie Hebdo kay Prophet Muhammad.

“Tama ang Papa. Walang karapatan maski ang mga ikinokonsidera ang kanilang sarili bilang artist o mamamahayag na paglaruan ang ibang relihiyon o simbolo ng kanilang relihiyon,” pahayag ni Habib Mujahab “Bogdadi” Hashim, chairman ng Islamic Command Council (ICC) ng MNLF.

“Kung malayang pamamahayag ang idinadahilan ng mga tauhan ng Charlie Hebdo, bakit laging ang Propeta ng Islam, o mga Muslim, ang kanilang tinatarget?

Hindi ba nila alam na sinasaktan nila ang kalooban ng mahigit 1.6 bilyong katao?” pahayag ni Hashim.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hinamon ni Hashim ang Charlie Hebdo na okrayin din ang holocaust, o sina Buddha, Hesukristo, o ang Papa, o ang simbolo ng Hindu religion.

“Kung hindi nila kayang gawin ‘yan, lumalabas na nagsisinungaling lang sila sa kanilang idinadahilan na kalayaan sa pamamahayag,” paliwanag ni Hashim.

Matatandaang inatake ng isang extremist group ang punong tanggapan ng Charlie Hebdo sa Paris kamakailan, at pinatay ang mahigit 12 katao.

Matapos ang insidente, nagimprenta ang Charlie Hebdo ng karagdagang isang milyong kopya ng magazine na nagtatampok ng patuloy na pang-iinsulto sa mga Muslim. - Edd K. Usman