Pinagpapaliwanag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang pulis na naaktuhang nagseselfie habang dumaraan ang convoy ni Pope Francis sa kanilang puwesto, ayon sa isang opisyal.

Sinabi ni Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng PNP, na umiiral ang utos niya sa mga pulis na nagbibigay-seguridad sa Papa na tumutok sa kanilang trabaho at kalimutan muna ang pansariling interes habang hindi nakaaalis ng Pilipinas ang lider ng Simbahang Katoliko.

“We have summoned or admonished a policeman or two to correct these peculiarities,” pahayag ni Espina.

Bagamat mabibilang sa daliri ang mga pulis na hindi nakapagpigil kumuha ng selfie o tumalikod sa mga sumasalubong sa Papa na dapat nilang bantayan, sinabi ni Espina na marami pa rin sa 25,000 pulis na inatasang magbantay ang sumunod sa nasabing direktiba.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabuking ang pagse-selfie ng ilang pulis habang dumaraan ang convoy ni Pope Francis matapos silang maaktuhan ng mga netizen at ipinaskil ang kanilang mga litrato sa mga social networking site.

Batay sa feedback, kuntento naman si Espina na halos ang buong puwersa ng PNP ay nagpamalas ng mataas na antas ng propesyunalismo sa pagbibigayseguridad sa Papa sa limang araw na pagbisita nito sa Pilipinas.

“If there were cops who still took selfies while on duty, that is very minimal. A big majority of the others did not do that,” pahayag ni Espina.

Tiniyak naman ni Espina na hindi niya palalagpasin ang pagsuway ng dalawang pulis na kumuha ng selfie habang nagbabantay kay Pope Francis, upang magsilbi itong aral sa iba pang pulis. - Aaron Recuenco