Ikatlong Linggo ng Enero, ipinagdiriwang ng Simbahan ang pista ng Sto. Niño. Nagsimula sa Cebu ang pagdiriwang nang ibigay ni Ferdinand Magellan bilang regalo kay Reyna Juana ang imahen ng Sto. Niño nang siya’y binyagan. Si Reyna Juana ay asawa ni Raja Humabon ng Cebu. Kilala siya sa tawag na Hara Amiahan noong hindi pa siya nabibinyagan.

Ang pagdiriwang ngayong ika-18 ng Enero ng pista ng Sto. Niño ay lalong magiging natatangi at makahulugan sapagkat kasabay nito ng gagawin misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Rizal Park. Si Pope Francis ay nagsasagawa ng pastoral visit sa Pilipinas. Nagsimula noong Enero 15 nang dumating siya mula sa Sri Lanka. Sa Villamor airport, si Pope Francis, sakay ng popemobile hanggang sa Apostolic Nunciature ay masayang sinalubong ng may isang milyon Pilipino na nagpakita ng kaayusan at disiplina.May iba’t ibang reaksyon ang ating mga kababayan. Nagbunyi at sumisigaw ng “Pope Francis, we love you!” Nagwagayway ng maliliit na bandila ng Pilipinas at ng Vatican. May mga naluha naman sa kagalakan. Nagsabi naman ang iba na ang ngiti at kaway ni Pope Francis ay isa nang biyaya.

Ang misa ni Pope Francis sa Quirino grandstand ay ang pangatlong misa. Ang unang misa niya sa Pilipinas ay ginanap sa Manila Cathedral sa wikang Latin at Filipino noong Enero 16 matapos mag-courtesy call kay Pangulong Noynoy sa Malacañang. Sa bahagi ng mensahe ni Pope Francis sa Malacañang, sinabi niya na malapit sa kanyang puso ang mga Pilipinong sinalanta ng bagyo. Hinangaan ang katatagan ng mga Pilipino. Hangad niya ang isang lipunang may paggalang sa dignidad at karapatan, pakinggan ang tinig ng mga mahihirap. Hinamon ang lahat na iwaksi ang corruption, binigyang-diin ang kahalagahan ng papel ng pamilya at kabataan sa pagbabago ng lipunan. Hiniling din ni Pope Francis sa mga pari na hindi dapat maging kumportable sa sistema ng di-pagkakapantay-pantay sa lipunan. Nagpaabot naman ng pagtanggap at pasasalamat kay Poe Francis si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle. Ang ikalawang misa ni Pope Francis ay ginawa naman sa Tacloban Airport. Dinaluhan ng mga obispo, pari, madre, iba’t ibang religious organization at ng mga biktma at survivor ng bagyong Yolanda.

Ang Misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand ay ang huling bahagi ng kanyang pastoral visit sa Pilipinas isang mahalagang kasaysayan, mag-iiwan ng iba’t ibang alaala. Magpapatibay lalo sa pananampalataya ng mga Pilipino.
National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3