Anim na malaking internas-yonal na torneo ang sasalihan ng Pilipinas bagamat patuloy na nagkakagulo kung anong koponan ang ipiprisinta, ang binuo ba ng Philippine Olympic Committee (POC) o ang Philippine Volleyball Federation (PVF)?

Inilunsad ng Asian Volleyball Confederation (AVC) noong nakaraang Miyerkules (Enero 14) ang taunang competition sa kanilang kalendaryo, kung saan ay pitong bansa, kabilang ang powerhouse na China, ang agad na nagkumpirma ng kanilang partisipasyon sa lahat ng anim na torneo na inorganisa ng AVC ngayong taon.

Base sa kalendaryo, anim na malaking indoor volleyball competitions ang isasagawa sa anim na magkakaibang bansa kung saan ang pitong bansa na agad nagsumite ng kanilang partisipasyon ay binubuo ng China, Japan, Thailand, Iran, Kazakhstan, Chinese Taipei at Pilipinas.

Sisimulan ang mainitang sagupaan sa Mayo kung saan ay tatlong torneo ang gaganapin na pangungunahan ng unang Asian Women’s U23 Volleyball Championship sa Pililinas sa Mayo 1 hanggang 9.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Kabuuang 12 bansa na ang nagkumpirma ng kanilang partisipasyon sa nasabing torneo. Maliban sa pitong nasabing bansa, sasabak din sa torneo sa siyam na araw na torneo ang Korea, Macao, India, Uzbekistan at ang karibal ng Pilipinas na Malaysia.

Gayunman, hindi pa malaman kung sino ang makakasali sa torneo bunga ng naganap sa pagitan ng Philippine Olympic Committee (POC) na binuo ang Larong Balibol sa Pilipinas (LBP) at Amihan volleyball team ng PVF.

Isasagawa rin ang unang Asian Men’s U23 Volleyball Championship sa Nay Pyi Taw, Myanmar sa Mayo 12 hanggang 20 na lalahukan ng 19 bansa. Huling nagpadala ng interes ang Saudi Arabia.

Ang pinakamataas na dalawang koponan sa kada kategorya sa Asian Men’s U23 at Asian Women’s U23 ang susungkit sa mga silya para sumabak sa FIVB Volleyball Men’s U23 World Championship sa Dubai, UAE sa Agosto 24 hanggang 31 at FIVB Volleyball Women’s U23 World Championship sa Ankara, Turkey sa Agosto 12–19.

Gaganapin din ang torneo para sa Asian women’s spikers na 18th Asian Senior Women’s Volleyball Championship sa Tianjin at Beijing, China sa Mayo 20 hanggang 28.

Kabuuang 15 bansa ang nagkumpirma ng paglahok sa pinakamatinding torneo sa Asya sa pangunguna ng Thailand, na sinimulan ang kanilang pagsasanay para sa ilang malalaking torneong sasalihan ngayong taon, kabilang ang FIVB World Grand Prix, Southeast Asian Games at Asian meet, para ipagtanggol ang kanilang korona.