Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Development Authority (MMDA) ang mga dadalo sa Papal Mass ngayong Linggo sa Quirino Grandstand sa Rizal Park na magdala ng kapote para maprotektahan ang sarili sakaling umulan.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ipakakalat ang mga miyembro ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, na roon idaraos ni Pope Francis ang kanyang ikatlo at huling misa sa bansa.

“We advise people not to forget their raincoats as bringing of umbrellas are prohibited,” sabi ni Tolentino.

Sa buong panahon ng Papal visit, mahigit 4,191 emergency response personnel ang ipinosisyon upang tumugon sa mga medical emergency.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod sa manpower, nakaantabay din ang 66 na ambulansiya, 27 fire truck at 25 iba’t ibang emergency vehicle sa mga critical area sa Maynila at sa katimugang bahagi ng Metro Manila.

Ayon sa monitoring ng MMDA, tumanggap ang ahensiya ng 17 medical emergency case, gaya ng pagkahilo, nawalan ng malay, naaksidente sa sasakyan, nagalusan, nilagnat at may isang nagkaroon ng mild stroke.

Para sa matatanda at mga may sakit, pinayuhan sila ni Tolentino na magpasama sa mga kaanak sakaling gusto nilang dumalo sa misa ng Papa ngayong Linggo.

“Suggestion namin na magkaroon sila ng contact numbers para sa seguridad,” ani Tolentino.

Sinabi pa ni Tolentino na bubuksan na sa publiko ang pagdarausan ng misa sa ganap na 6:00 ng umaga at isasara ang mga Cabrerosgate ng 2:30 ng hapon.

Umapela rin si Tolentino sa mga eskuwelahan, unibersidad at shopping mall sa Maynila na buksan ang kani-kanilang parking area para sa mga motoristang dadalo sa misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand.

Ayon kay Tolentino, inaasahan na ang napakalaking demand sa mga parking space dahil milyun-milyon ang inaasahang dadalo sa huling misa ng Papa sa Pilipinas ngayong hapon.

Kabilang sa mga eskuwelahan at unibersidad na malapit sa Rizal Park ang Sta. Isabel, Araullo High School, Manila Science, La Salle, St. Scholastic’s College, Philippine Normal University, Adamson University, Technological University of the Philippines.

Sinabi ni Tolentino na magagamit din na ekstrang parking areas ang SM City Manila sa Arroceros Street, Times Plaza at Robinsons’ Place sa Ermita.