Binabantayan ng pulisya sa ospital ang isang miyembro ng kidnap for ransom group (KFRG) na nakasagupa nila makaraang isilbi ang warrant of arrest sa Barangay Tenant, Ipil, Zamboanga Sibugay, nitong Biyernes ng umaga.

Bantay-sarado ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office (ZSPPO) ang suspek na si Ayub Enriquez, na ginagamot dahil sa tama ng bala sa braso.

Ang suspek ay kasapi ng Barahama Ali KFRG na kumikilos sa Zamboaga Sibugay.

Nabatid na isinagawa ng pulisya ang operasyon dakong 9:00 ng umaga nang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek sa kasong kidnapping at murder ngunit nanlaban ito.

National

MMDA gagamit ng high-tech mobile command center sa SONA

Nabawi mula sa suspek ang isang .45 caliber pistol, isang hand grenande at mga bala.

Isinasangkot si Enriquez sa pagdukot sa Australian na si Richard Warren Rodwell, sa Korean na si Piejie Li, Reynaldo Drapeza at kay Joel Indino Jr., na dinukot sa Zamboanga Sibugay.

Sangkot din si Enriquez sa pagdukot sa Zamboangueña na si Marie Cris Cuartocruz, na kinidnap sa Barangay Manicahan sa Zamboanga City noong 2010.