Sisimulan ng Philippine Sports Commission (PSC), sa isang simpleng selebrasyon sa Enero 23, ang ika-25 taong anibersaryo sa Ninoy Aquino Stadium.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na nakatuon sa isang buong taon ang implementasyon ng iba’t ibang programa sa ika-25 taon ng ahensiya kung saan ay tampok ang pagkilala sa 25 personahe na nagbigay ng malaking tulong sa pagpapaunlad ng sports sa bansa.

“We will have a soft anniversary celebration to open up our year long activities on our 25th year. Maraming programa na iimplementahan ng PSC on sports development and some major activities that will highlight the founding anniversary of the agency,” sinabi ni Garcia.

Ilan lamang sa aktibidad sa selebrasyon ng kanilang “Silver Anniversary” ang pagbuo sa Philippine Sports Hall of Fame at pagkilala sa 25 personalidad na nag-ambag ng kanilang panahon at talento upang bigyang karangalan ang Pilipinas sa lokal at internasyonal na mga torneo.

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

Magsasagawa rin ng 3-in-1 fun run, sports seminars at expo, maliban pa sa pagpapatuloy ng mga sinimulang programa na Laro’t-Saya sa Parke, Batang Pinoy at Philippine National Games at maging ang tampok na pagkilala sa 25 personahe, atleta man o opisyal, na iluluklok sa Hall of Fame.

Maglalabas din ito ng isang coffee-table book kung saan nilalaman nito ang tulong sa kampanya ng Pilipinas sa iba’t ibang lokal at internasyonal na torneo na tulad ng Southeast Asian, Asian at Olympic Games hinggil sa nakalipas na 25 taon ng ahensiya.

May mga bagong isasagawang programa ngayong taon na nakatuon sa Senior Citizen, Women in Sports, Sports for All at Sports for Peace.

Matatandaan na itinatag ang PSC sa pamamagitan ng Republic Act No. 6847 noong 1990 upang magsilbing, “sole policy-making and coordinating body of all amateur sports development programs and institutions in the Philippines”.

Ang pangunahing gawain ay ang, “to provide the leadership, formulate the policies and set the priorities and directions of all national sports promotion and development, particularly giving emphasis on grassroots participation.”