CABANATUAN CITY – Magdaraos ng mass wedding ang pamahalaang lungsod para sa mga residente na nais magsimula ng pamilya ngunit kapos sa panggastos sa seremonya ng kasal.

Sinabi ni Assistant Local Civil Registrar Susan Santos na ang mass wedding ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-65 anibersaryo ng “Araw ng Kabanatuan” at gaganapin sa covered court ng pamahalaang lungsod dakong 9:00 ng umaga sa Enero 31, Sabado.

Paliwanag ni Santos, isasagawa ang mass wedding dahil lubha umanong nakababahala na nababawasan bawat taon ang bilang ng mga ikinakasal sa Cabanatuan City; mula sa 2,101 pares noong 2012 ay nasa 1,748 na lang ang nagpakasal noong 2013.

Dagdag pa ni Santos, hanggang 65 pares lang ng mga Cabatueño ang tatanggapin ng pamahalaang lungsod sa libreng kasalan at ang mga interesadong magpatala ay inaabisuhang magtungo sa Local Civil Registry sa City Hall mula Lunes hanggang Biyernes bago ang Enero 31.
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists