Ang makulay na pagdiriwang ng Tondo sa pista ng patron nitong Sto. Niño ngayong Enero 18 ay umaakit ng gahiganteng madla, tulad ng pista ng Itim na Nazareno, hindi dahil ang Tondo ang pinakamataong distrito ng Lungsod ng Maynila, kundi dahil sa mga milagro ang kapangyarihang maghilom na iniuugnay sa orihinal na imaheng ivory ng Niño Jesus na nakadambana noong pang 1572 sa Sto. Niño de Tondo Church, isang popular na pilgrimage site, pati na rin ang mga kuwento tungkol sa naturang imahe. Sa isang kuwento, nang sunugin ang simbahan at binomba noong may giyera, nilisan ng kura paroko ang simbahan, dala ang Sto. Niño. Ang mga deboto ng Tondo na tumatangkilik sa imahe ay hindi inatake. Hatid ng mga paring Augustinian mula Acapulco, Mexico noong 1570, ang orihinal na imahe ay ipinagkaloob ng isang mayamang negosyante sa noo’y Archbishop of Manila, na ibinigay sa kura paroko ng Tondo Chuch, isa sa mga unang itinatag ng mga prayleng Kastila at kinilala bilang isang Provincial Chapter noong Mayo 13, 1572.

Bilang bahagi ng selebrasyon ng pisa, nagpapatuloy ang kada oras na mga misa sa loob ng 26 oras sa Tondo Church simula ng Sabado ng gabi hanggang Linggo ng gabi. Ang mga replika ng Sto. Niño sa mapang-akit na mga kasuotan ay tinitipon sa ibabaw ng isang float na napalalamutian ng mga bulaklak at tinapay na bumibisita sa mga barangay sa pamamagitan ng “Lakbayaw” na isang masayang prusisyon ng libu-libong deboto, kabilang ang mga bata at matanda, na karga ang mga imahe ng Sto. Niño, sumasayaw at umaawit, sa gitna ng pagsigaw ng “Viva Sto. Niño! Pit Señor!” at sasabuyan sila ng tubig galing sa mga hose, na pinaniniwalaang sumasagisag sa “pagbibinyag” ng mga mananampalataya.

Ang mga residente ng Tondo pati na rin ang mga deboto ay iniuugnay ang mga milagro sa Sto. Niño, pinaniniwalaan na ang kanilang pananampalataya ay may pabuyang mabuting kalusugan, katiwasayan, at proteksiyon. Ang kanilang taunang pista ay isang pinakahihintay na okasyon, na ipinagdiriwang sa nobenang misa, nililinis at pinagaganda ang kanilang mga tahanan at kalye, sumasali sa Lakbayaw, nagsasagawa ng mga tiangge, nanonood ng mga tanghalang pangkultura at sportsfests. Ang mga hapag-kainan ay pinupuno ng mga pagkain at bukas ang mga tahanan para sa mga bisita. Ang mga pangunahing lansangan kung saan daraan ang prusisyon ay makulay na napapalamutian ng mga bunting, mga arko at streamers.

Noong sinaunang panahon, isang fluvial procession sa Manila Bay sa bisperas ng pista ng Tondo ang umaakit ng mga deboto at panauhin. Kasama ng mga mananayaw at tagahasik ng kasiyahan, inihahatid ang imahe ng Sto. Niño sa North Harbor kung saan ito itinatayo sa isang napalalamutiang pagoda. Kasabay ng pagoda ang mga bangkang pangisda habang naglalayag sa bay. Itinigil ang fluvial procession noong 1983. May mga pagtatangkang buhayin ito, ngunit sinalubong ito ng mabilis na urbanisasyon na nagresulta sa na-reclaim na lagusan ng tubig.
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists