Isinailalim kahapon sa public storm warning signal (PSWS) No. 2 ang 12 lugar sa Luzon at Visayas, habang 19 pang lalawigan ang apektado rin ng bagyong ‘Amang’.

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa isinailalim sa Signal No. 2 ang Catanduanes, Albay, Camarines Sur, Sorsogon, Masbate, Burias Island kasama ang Ticao Island, Northern Samar, Eastern Samar, Samar at Leyte, kasama ang Biliran.

Nasa Signal No. 1 naman ang Camarines Norte, Quezon kasama ang Polillo Island, Laguna, Rizal, Batangas, Marinduque, Oriental Mindoro, Romblon, Northern Iloilo, hilagang bahagi ng Negros Occidental, Southern Leyte, Northern Cebu kabilang ang Cebu City, Bantayan Island, Camotes Island, Capiz, Aklan at Dinagat Island.

Inihayag din kahapon ng PAGASA na lumawak pa ang mga lugar na nasa ilalim ng PSWS dahil sa patuloy na paglakas ng bagyo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Inaasahan na kahapon ng PAGASA na tatama sa Borongan, Eastern Samar ang bagyo kaya naman kinansela ang ilang aktibidad ni Pope Francis sa Tacloban City at Palo sa Leyte.

Sinabi kahapon ng ahensiya na huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 120 kilometro, silangan, hilaga-silangan ng Borongan City, taglay ang lakas ng hanging 100 kilometro bawat oras at bugsong 130 kilometro kada oras.

Ang Amang ay kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro kada oras.

Kaugnay nito, pinag-iingat ng PAGASA ang mga nakatira sa mabababa at malapit sa bulubunduking lugar, partikular sa mga lalawigang nasa ilalim ng babala ng bagyo, na mag-ingat sa posibilidad ng baha at pagguho ng lupa.

Inalerto rin ang mga nasa baybaying-dagat dahil sa posibleng pagtaas ng alon ng hanggang siyam na metro.

Binalaan din ang maliliit na sasakyang-pandagat na iwasang maglayag sa seabords ng Luzon, Visayas at eastern seaboard ng Mindanao.

Sa taya ng PAGASA, posible ring isailalim sa PSWS No. 1 ang Bulacan, Nueva Ecija at Aurora.