Itinakda ng Philippine Olympic Committee ang isang nationwide open try-out para sa lahat ng nagnanais na maging miyembro ng national women’s volleyball team matapos ang bantang boykot sa nakatakdang pagbuo ng koponan para isabak sa 28th Southeast Asian Games at 1st AVC Women’s Under 23 Championships.

Ikinainis ng POC ang banta mula sa nagkakagulong Philippine Volleyball Federation (PVF) na hindi dadalo at boboykotin ng mga miyembrong binuo nilang koponan na Amihan ang isasagawang pagsasanay at paghahanda sa SEA Games sa Hunyo 5-16 at AVC Under 23 sa Mayo 1-9.

“Everybody is welcome, even those from far provinces like Jolo and Tawi-tawi,” sinabi ng opisyal ng POC. “They can’t threat us of a boycott because there are so many players in the country just waiting to be tap and are more than willing to play for flag and country and not because of receiving high monthly salary.”

Ibinunyag ng opisyal na sumusuweldo mula sa isang higanteng korporasyon ang mga miyembro ng men’s at women’s volley team ng P30,000 kada buwan habang P50,000 naman ang mga coach. Ang opisyales na bumubuo naman sa national volleyball management team ay tumatanggap ng P70,000 kada buwan. Napag-alaman din sa opisyal na puwersado ang mga miyembro ng Philippine Army (PA) na sina Christina Salak, Mary Jean Balse, Rachelle Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga na pagsilbihan ang bansa, base na rin sa kanilang sinumpaan bilang mga sundalo. Si Salak ang team captain ng koponang binuo ng PVF.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una nang inihayag ng POC ang 25 kataong inimbitahan para mapasama sa koponan na hahawakan nina coach Roger Gorayeb at Sammy Acaylar subalit binago upang bigyan ng pagkakataon ang iba pa na makasama ang mga manlalarong napili sa koponang binuo ng PVF na hawak ni coach Ramil de Jesus.

Inako ng POC ang responsibilidad na bumuo ng pambansang koponan matapos na hindi sumunod at patuloy na isinasantabi ng pamunuan ng PVF ang iniatas nila na agad magsagawa ng eleksiyon noong 2010 matapos na magbitiw ang dati nilang presidente na si Gener Dungo.

Matatandaan na bumuo ang PVF ng koponan sa kababaihan at kalalakihan na hangad nilang isabak sa SEA Games subalit hindi ito pinayagan ng POC dahil na rin sa kawalan ng eleksiyon at tanging ang mga namamahala ay nasa kapasidad bilang interim board.

Itinakda ng PVF ang pinakahihintay na eleksiyon sa Enero 25 subalit mas nauna nang nagpasabi ang POC na hindi ito magpapadala ng kanilang representante dahil sa kawalan ng matinong dokumento ng asosasyon.