Ni MARS W. MOSQUEDA JR.

PALO, Leyte – Sa halip na humiling para sa sariling kapakanan, sinabi ng 24-anyos na si Salome Israel na hihilingin niya kay Pope Francis na ipanalangin nitong matuldukan na ang alitan sa teritoryo ng Pilipinas at ng China at tuluyan nang matuldukan ang korupsiyon sa gobyerno.

Nagmula sa Tubigon, Bohol, isa si Israel sa 15 katao na makakasalo ng Papa sa pananghalian sa Archbishop’s Residence sa Palo, Leyte ngayong Sabado. Nakaligtas siya sa magnitude 7.2 na lindol na yumanig sa Bohol noong Oktubre 15, 2013.

Gayunman napulutan ng kanang braso si Israel nang gumuho sa kanya, sa kanyang tiyahin at sa kanyang pinsan, ang buong pader ng ikalawang palapag ng kanilang bahay. Isang buwan na hindi nakalakad si Israel dahil nawalan sa puwesto ang buto sa kanyang balakang, ayon sa tiyahin niyang si Elvira.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Nanlumo rin si Israel nang magdesisyon ang mga doktor na putulin ang kanan niyang braso sa pangambang maapektuhan ang buo niyang katawan ng pagkaka-impeksiyon ng kanyang mga sugat. Labis siyang na-depress sa mga sumunod na buwan, lalo pa’t hindi na niya magawang tumayo at maglakad.

Tinangka ng may akda na makausap si Israel pero ang tiyahin niyang si Elvira ang sumagot, sinabing simula nitong Huwebes ay pinagbawalan nang makipag-usap sa iba ang lahat ng makakasalo ng Papa sa pananghalian ngayong Sabado.

Sinabi ni Elvira na labis ang nadaramang excitement ni Israel sa pagkakataong makaharap nang personal at makasalo sa pagkain si Pope Francis sa Palo.

Ayon kay Elvira, hihilingin ni Israel sa Papa na ipanalangin nito ang pagwawakas ng agawan sa teritoryo ng China at Pilipinas, gayundin para sa Divine Intervention na magbibigay ng tuldok sa korupsiyon sa bansa.

Sinabi rin ni Israel kay Elvira na lahat ng makakasalo ng Papa sa pananghalian ay tumutuloy sa isang gusali sa Tacloban simula nitong Huwebes at pinagbabawalang gumamit ng mobile phone. Gayunman, ayon kay Elvira, dahil sa sobrang excitement ng pamangkin ay nagagawa nitong pasimpleng makatawag sa kanya.