SA pagsisimula ng papal visit ni Pope Francis sa ating bansa, kaagad na niyang ipinadama ang kanyang pagtitiwala sa sambayanang Pilipino. Kaakibat ito ng pagpapamalas niya ng pagkakapantay-pantay na sa simula pa lamang ay naging bahagi na ng kanyang buhay. Walang hindi nangilabot nang ating masilayan ang Papa – kahit man lamang sa telebisyon at marinig sa mga radyo – lalo na nang dahan-dahan nang umusad ang kanyang popemobile.
Halos abutin niya ang mga kamay ng mistulang dagat ng mga tao na nakahanay sa gilid ng babagtasin niyang mga lansangan. Sa gitna ng agaw-dilim na liwanag sa kapaligiran, walang patlang ang kanyang pagkaway sa sambayanan na hindi magkamayaw sa pagsigaw ng mga pagbati sa ating mahal na panauhin. Sila, na ang karamihan ay bahagi ng 80 milyong Katoliko, ay tila hindi man lamang nakadama ng pagod sa kabila ng pagkakasunud-sunod ng kanilang hanay sa kahabaan ng mga pila.
Maging ang Papa ay hindi man lamang nakaramdam ng kapaguran sa kabila ng kanyang pagiging senior citizen na rin – 78 anyos. At hindi siya nakadama ng anumang takot na tulad marahil ng ibang lider ng bansa na nangangamba sa kanilang seguridad. Nangibabaw sa kanya ang pagtitiwala sa sinumang kanyang nakakahalubilo saanmang lugar na kanyang pinatutunguhan. May ugali siyang kamayan, yakapin at kausapin ang lahat, kahit na sa kanyang pagpila sa karinderya. Higit pang nangangamba ang ating mga security forces na nakatalaga kay Pope Francis. Sabi nga nila, isang bangungot ang pangangalaga sa seguridad ng Pope sapagkat bigla na lamang itong sumisira sa security protocol.
Matindi rin ang pagpapamalas ni Pope Francis ng tunay na diwa ng pagkakapantay-pantay. Wala nga siyang itinatangi sa kanyang nakakasalamuha. Hindi niya alintana kung ang mga ito ay may mga kahina-hinalang pagkatao, kung ang mga ito ay kabilang sa anumang sekta ng pananampalataya, kung ang mga ito ay nasangkot sa anumang uri ng alingasngas na tulad ng pangungulimbat ng salapi ng bayan at paglabag sa mga karapatang pantao.
Anupa’t mariing naipamalas ni Pope Francis ang tunay na kahulugan ng pagtitiwala at pagkakapantay na tunay na nakaangkla sa diwang habag at malasakit.