Kinansela ng National Democratic Front sa Mindanao Region (NDF-NEMR) ang pagpapalaya ngayong Sabado sa tatlong operatiba ng Philippine National Police (PNP) na dinukot ng mga rebelde sa magkahiwalay na engkuwentro noong Nobyembre 2014.
Sa isang pahayag, sinabi ng NDF-NEMR na kinansela ang pagpapalaya sa tatlong pulis bunsod ng pagtanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pansamantalang paalisin ang mga sundalo sa lugar na dapat palalayain ang kanilang bihag.
Ayon sa mga rebelde, ang temporary withdrawal ng mga sundalo ay magbibigay-daan sa ligtas at maayos na pagpapalaya sa mga pulis at maiiwasan ang engkuwentro ng militar at NPA.
“Sa kabila ng negosasyon, tinanggihan pa rin ni Brig. Gen. Jonathan Ponce—pinuno ng 402nd Infantry Brigade, ang aming kahilingan. Ito ay maglalagay sa peligro hindi lamang sa buhay ng 3 POW (prisoners of war) subalit maging sa kanilang pamilya na nais dumalo ng seremonya sa pagpapalaya,” saad sa pahayag ng NDF-NEMR.
Ang negosasyon sa pagpapalaya kina PO1 Jori Amper, PO3 Democrito Polvorosa at PO1 Marichel Contemplo ay pinangunahan ng mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG), local peace and order council at mga grupong relihiyoso sa lugar. - Alexander D. Lopez