PALO, Leyte - Umapela ng dasal si Leyte Gov. Leopoldo Dominico L. Petilla sa sambayanan upang lumihis ang bagyong “Amang” na inaasahang tatama sa Leyte kasabay ng pagbisita ni Pope Francis ngayong Sabado.

Kasabay nito, inalerto na rin ng pamahalaang panlalawigan ang mga Municipal Risk Disaster and Management Council (MRDMC) sa probinsiya kaugnay ng posibleng pananalasa ng Amang.

Isinailalim na ang Leyte sa Storm Signal No. 1, kasama ang Northern Samar, Southern Leyte, Eastern Samar at iba pang lugar sa Bicol.

“Handa na kami sa pagdating ng Papa at ng bagyong Amang. Subalit kami’y nagdarasal na lumihis ang bagyo upang hindi kami maapektuhan,” pahayag ni Petilla.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nakaalerto na 24-oras ang lahat ng lokal na pamahalaan sa Leyte upang mabilis na makatugon ang mga emergency response team sa mga pangangailangan ng mga

residente sa lugar na daraanan ng bagyo.

“Naghanda na kami ng relief goods upang ipamahagi sa mga munisipalidad at rumesponde sa mga nangangailangan,” ayon sa gobernador.

Pangungunahan ni Petilla ang mainit na pagsalubong ng mga Leyteño kay Pope Francis sa kanyang pagdating sa Tacloban City Airport dakong 9:30 ng umaga ngayong Sabado.

Magdaraos din ang Santo Papa ng misa sa Tacloban bago ito magtungo sa Palo upang mananghalian kasama ang mga biktima ng super typhoon ‘Yolanda’.

Dakong 3:00 ng hapon naman pangungunahan ng lider ng Simbahang Katoliko ang pagbebendisyon ng Pope Francis Center for the Poor sa Palo. - Nestor L. Abrematea