LABING-DALAWANG oras. Limandaang kilometro. Isang motorsiklo.
Sa pagbubukas ng taon, isang natatanging pagsubok ang kahaharapin ni Jay Taruc sa I-Witness ngayong Sabado sa GMA-7.
Sa loob ng labinlimang taon na pagmomotorsiklo, hindi lang sa iba’t ibang panig ng Pilipinas kundi pati na rin sa ilang bansa sa Asya at Europa, ngayon lang masusubok ni Jay na sumali sa isang “endurance” run o karera na ang kalaban ay ang sariling katatagan.
Ito ang unang “Cannonball” -- motoring event na bibigyan lang ng 24 o 12 oras ang isang kalahok na nagmamaneho ng kotse o motorsiklo na tapusin ang isang libo o limandaang kilometro.
Sa tinatawag na Northern Loop o hilagang bahagi ng bansa magaganap ang “Cannonball”. Simula sa Angeles, Pampanga, dadaan ito ng Tarlac, aakyat patungong bulubunduking bahagi ng Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, hanggang sa makatawid ng Cordillera sa Baguio, bago bumalik ng Pampanga para sa finish line.
Sasama si Jay sa isang grupo ng scooter riders na karamihan ay gaya rin niyang bagito sa endurance run. Masusubukan dito ang kanilang katatatagan sa pagmamaneho.
Hindi madali ang endurance run dahil maraming maaaring mangyari sa lansangan. Nariyan ang masiraan ng sasakyan, maaksidente o panghinaan ng katawan.
Bukod sa grupo ni Jay, marami pang ibang sumali sa “Cannonball” mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon. Marami ring kababaihan na susubok sa hamon ng endurance run.
Ano ang mangyayari kay Jay sa “Cannonball”?
Saksihan ang makapigil-hiningang adventure na ito sa 13th Gawad Tanglaw Best Documentary Program winner na I-Witness ngayong gabi pagkatapos ng Celebrity Bluff sa GMA-7.