Ipinakilala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sa publiko ang dalawang online systems na higit na makapagpapaibayo sa serbisyo sa mga lisensiyadong recruitment at manning agencies.

Ito ang ePayment and Recruitment Authority Issuance systems na bahagi ng “Go online, don’t fall in line” slogan ng POEA.

Sinabi ni POEA administrator Hans Cacdac na ang dalawang sistema, ay naglalayong mabawasan ang harapang mga transaksyon sa mga kinatawan ng recruitment agency at mahabang pila sa mga tanggapan ng POEA, at mapapabilis ang pagpapadala ng OFWs.

Hinimok ni Cacdac ang lahat ng lisensiyadong recruitment agencies na gamitin ang online system upang makita at mai-promote ang kahusayan, pananagutan at transparency.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa pamamagitan ng ePayment System, ang mga placement agency ay maaaring magbayad ng POEA processing fee at OWWA membership fee sa kanilang mga kinuhang mga manggagawa.

Ang ePayment System ay isang bahagi ng electronic Contract Submission System na magbibigay sa ahensiya upang isumite sa online ang kanilang request for processing (RFP) ng kontrata ng kanilang mga manggagawa. Sa sandaling ang RFP ay naaprubahan, ang isang ahensiya ay maaring magbayad sa POEA accredited bank conduits at mag-print ng overseas employment certificate (OEC) ng manggagawa.

Gayunpaman, nilinaw ni Cacdac na ang pagsusumite ng kontrata at electronic payment ay aplikable lamang sa pagpoproseso ng kontrata sa mga skilled at professional workers.

Ang POEA Recruitment Authority Issuance System aniya ay magbibigay daan sa mga recruitment agency na mag-applay para sa pag-apruba at pagpapalabas ng special recruitment authority (SRA) at letter of acknowledgement. Pinapayagan ng sistema ang mga recruitment agency na mag-upload ng documentary requirements at makita ang katayuan ng kanilang aplikasyon. - Mina Navarro