Ikatlong sunod na titulo ang pupuntiryahin ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa pagbubukas ng UAAP Season 77 baseball tournament sa Enero 25 sa Rizal Memorial Baseball Stadium sa Manila.
Orihinal na itinakda ang pagbubukas ngayong weekend subalit iniurong na lamang ito ng liga dahil gamit ang Rizal Memorial Sports Complex ng Philippine National Police para sa kanilang ginagawang pangangalaga sa katiwasayan ng Papal visit.
Una dito, magbubukas sa Enero 24 ang softball competition sa kapareho ring venue kung saan target naman ng reigning champion Adamson
Lady Falcons ang pambihirang 5-peat.
Isa lamang ang nawala sa line-up ng Blue Eagles na nagwagi ng back-to-back championship noong nakaraang taon na si Kevin Ramos na nagtapos na noong nakaraang taon.
Gayunman, inaasahang magiging malaking balakid para sa 3-peat campaign ng Blue Eagles ang National University (NU) at ang nakaraang taong losing finalist na La Salle.
Hindi pa natatalo, matapos ang 48 laro magmula noong Season 73, malaking hamon ang pagdedepensa ng kanilang titulo para sa Lady Falcons na magsisimula uli ng kanilang ``rebuilding`` ngayong taon matapos na magtapos ang lima nilang mga player.
Ang mga nawala sa roster ni coach Ana Santiago ay sina Cindy Banay, Rizza Bernardino, mga dating MVP na sina Luzviminda Embudo at Elvie Entrina, at ace pitcher Julie Marie Muyco.
Uumpisahan ng Ateneo ang pagtatanggol sa kanilang titulo sa pambungad na laro sa opening day kontra sa Adamson ganap na alas-7:00 ng umaga, susundan ng tapatan ng University of the Philippines (UP) at De La Salle at salpukan ng NU at University of Santo Tomas (UST).
Naka-draw naman ng bye ang Lady Falcons sa opening day ng softball competition kung saan ay magtutuos sa unang laro sa ganap na alas-9:00 ng umaga ang NU at Ateneo, kasunod ang pagtutuos ng La Salle at UST sa ganap na alas-11:00 ng umaga bago ang sagupaan ng UP at University of the East (UE) sa ganap na ala-1:00 ng hapon.