SA launching ng mga bagong programa ng TV5 na may tagline na Happy Sa 2015 ay kumalat ang tsikang galit na galit si Ms. Wilma Galvante, chief content officer Kapatid Network, kay Bayani Agbayani.

Sa madaling sabi, hindi ‘happy’ si WG dahil sa itinuturing ng mga taga-Singko na pambabastos sa kanila ni Bayani na dapat pala kasi ay kasama sa sitcom na 2 ½ Daddies na pinagbibidahan nina Robin Padilla, Rommel Padilla at BB Gandanghari.

Ayon sa tsikang nakarating sa amin ay nakapag-taping na si Bayani para sa pilot episode ng 2 ½ Daddies pero biglang nagpaalam sa mga kasama para lumipat sa ABS-CBN dahil kasama raw siya sa bagong programa.

“Galit at hindi sama ng loob o nagtatampo ako,” pag-amin ni Ms. Wilma nang usisain namin tungkol sa isyu kay Bayani. “Nagalit ako sa kanya kasi alam na niyang may offer sa kanya ang kabila, nag-taping pa siya ng pilot ng 2 1/2 Daddies at ang sabi, hanggang sa second episode lang siya.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Alam niyang continuing ang character niya. Kaya pala hindi niya pinipirmahan ang hawak niyang kontrata para sa show ng TV5 dahil may tinanggap siyang ibang show.

“Sana respeto na lang sa network. Inaanak ko siya, ako ang nag-discover sa kanya at never ko siyang iniwan. Pinayagan ko siyang umalis sa GMA-7 noon at lumipat sa ABS-CBN, nang bumalik sa GMA-7, tinanggap ko pa rin.

“Nang magpa-release ng kontrata sa GMA-7 para lumipat sa TV5, ni-release ko. Hindi siya nawalan ng show sa TV5, ‘pag may bagay na role sa kanya, inilalagay namin.

“Alam niya palang hindi niya tatapusin ang 2 1/2 Daddies, bakit nag-taping pa siya? Hindi fair sa network ang ginawa niya,” sunud-sunod na sabi ni WG.

Ang magkakapatid na Robin, Rommel at BB ay hindi na lang daw kumibo pero alam daw ng mga taga-production na sumama ang loob ng mga ito kay Bayani.

Natatandaan namin na nang makatsikahan namin si Bayani sa Confession of A Torpe ay panay ang puri niya sa TV5 dahil ‘alagang kapatid’ daw talaga at ito ang sumalo sa kanya nang mawalan siya ng programa sa ABS-CBN at GMA-7.

Paano kung wala na uli siyang offer sa ABS-CBN, saan siya pupunta?