Ipinagbunyi ng sambayanang Pilipino ang pinakaaabangang pagdating sa bansa ni Pope Francis kahapon.
Pasado 5:45 ng hapon nang dumating sa Pilipinas ang Papa mula sa pagbisita sa Sri Lanka.
Pinangunahan ni Pangulong Aquino ang pagsalubong sa lider ng Simbahang Katoliko sa Villamor Airbase sa Pasay City kasama ang iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Gayunman, 6:00 pa lang ng umaga ay marami ng mga tao ang nag-aabang sa kanya sa 11-kilometrong ruta na daraanan ng kanyang motorcade.
Karamihan sa mga ito ay grupu-grupo nang dumating at nangakasuot pa ng iba’t ibang kulay ng T-shirt na may mga larawan ng Papa.
Kahit ilang oras silang naghintay sa Papa ay hindi alintana ng mga mananampalataya ang init ng panahon at pagod, gutom at uhaw, dahil nasulit ang lahat ng kanilang sakripisyo nang masulyapan na ang pinakamamahal na si Pope Francis.
Marami sa mga relihiyoso ay nagdasal ng rosaryo at umawit ng mga relihiyosong awitin habang naghihintay sa gilid ng mga kalsada sa pagdating ng Papa.
Kabilang sa mga rutang dinaanan ng Papa mula sa Villamor Air Base, na pinaghintayan ng libu-libong Katoliko ay ang Andrews Avenue, Airport Road, Domestic Road, NAIA Road, Roxas Boulevard, kanan ng Quirino Avenue hanggang Taft Avenue patungo sa Apostolic Nunciature, o Vatican Embassy, na magsisilbing official residence ng Papa habang nasa Pilipinas siya.
Sa taya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), posibleng umabot sa 20,000 katao ang pumuwesto sa kada kilometro sa rutang dinaanan ng papal convoy na umusad patungong Apostolic Nunciature sa bilis na 20 kilometro kada oras lamang.